Eroplano sa Isabela, nag-emergency landing — 6 na sakay nasa maayos na kalagayan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-31 19:54:59
AGOSTO 31, ISABELA — Isang light aircraft na bumibiyahe patungong coastal town ng Maconacon, Isabela ang napilitang mag-emergency landing sa gitna ng maisan sa Barangay District 1, Reina Mercedes, Isabela ngayong araw, Linggo, Agosto 31. Nangyari ang insidente bandang 11:40 ng umaga matapos mag-take off ang eroplano mula sa Cauayan Airport (CYZ) sa Cauayan City, Isabela.
Ayon sa ulat ng mga awtoridad, ang eroplano ay pagmamay-ari ng WCC Aviation Company Inc., at may tail number na RP-C1018. Lulan nito ang anim (6) na pasahero at isang piloto na pawang nagtamo ng matinding kaba ngunit nasa ligtas at maayos na kondisyon nang ma-rescue.
Sa ngayon, inaalam pa ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang posibleng sanhi ng emergency landing. Sa kabutihang palad, walang iniulat na sugatan, at walang nasirang kabahayan sa lugar kung saan bumagsak ang eroplano.
Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan, barangay tanod, at mga volunteer mula sa komunidad upang tumulong sa pagligtas sa mga sakay. Naging maayos at mabilis ang kanilang koordinasyon kaya't naiwasan ang mas malalang insidente.
Pinuri rin ng mga residente ang piloto sa maingat at matagumpay na paglapag sa bukid sa kabila ng panganib. Kasalukuyang iniinspeksyon ng mga aviation authorities ang kondisyon ng eroplano para sa posibleng paglipat nito mula sa maisan. (Larawan: Noxib Analam and Alleah J-C / Fb)
