Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bawat pilipino may utang na P140,000 — Kasalukuyang administrasyon, may pinakamataas na utang sa kasaysayan?

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-02 23:07:05 Bawat pilipino may utang na P140,000 — Kasalukuyang administrasyon, may pinakamataas na utang sa kasaysayan?

MANILA — Ibinunyag ni Senate Committee on Finance Chairperson Sherwin Gatchalian na dahil sa patuloy na paglobo ng utang ng bansa, bawat Pilipino ay may katumbas na utang na P142,000. Babala ni Gatchalian, kung hindi mapapangasiwaan nang maayos ang pambansang utang, posibleng matapos ang termino ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may pinakamataas na naitalang utang sa kasaysayan ng bansa.

Aniya, “Kung hindi natin ma-manage ang debt, matatapos ang Marcos administration na may pinakamalaking debt accumulation sa lahat ng naging administrasyon.” Ang pahayag ay naglalayong bigyang-diin ang panganib ng hindi balanseng paggastos at kawalan ng malinaw na estratehiya sa pagbayad ng lumalaking obligasyon ng pamahalaan.

Gayunpaman, hindi sumang-ayon si Finance Secretary Ralph Recto sa negatibong pananaw. Ipinaliwanag niya na mahalagang tingnan ang kabuuang konteksto ng ekonomiya, gaya ng debt-to-GDP ratio at savings-to-GDP ratio. Ayon kay Recto, “One man’s liability is another man’s asset. So 70% of our debt that we owe to ourselves is actually an asset of Filipinos.”

Dagdag pa niya, malaking bahagi ng utang ng gobyerno ay nakainvest sa mga pondo ng GSIS, SSS, at PhilHealth, na nagbebenepisyo rin sa mamamayang Pilipino.

Sa kabila ng magkaibang pananaw, nananatiling malaking usapin ang tamang pamamahala ng pambansang utang, lalo na’t direkta itong nakakaapekto sa kapakanan at kinabukasan ng bawat mamamayan. Ang tanong: magiging mabigat bang pasanin ang utang na ito, o magiging oportunidad upang mapalago ang ekonomiya ng bansa? (Larawan: Senator Win Gatchalian / Fb)