Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mayor Vico Sotto sa senate hearing ng flood control: ‘Di sila masyadong honest’

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-02 08:17:00 Mayor Vico Sotto sa senate hearing ng flood control: ‘Di sila masyadong honest’

Pasig City, Setyembre 2, 2025 — Matapang na binatikos ni Mayor Vico Sotto ang umano’y “kasinungalingan” at “dummy schemes” ng mga contractor sa likod ng bilyong pisong flood control projects, batay sa kanyang personal na tala mula sa Senate Blue Ribbon Committee hearing noong Setyembre 1, na pinamunuan ni Senador Rodante Marcoleta.

Sa kanyang Facebook post ngayong umaga, sinabi ni Sotto na “di sila masyadong honest,” matapos mapanood ang testimonya ni Cezarah Discaya, may-ari ng Alpha & Omega General Contractor at iba pang kumpanya. Sa simula ng pagdinig, iginiit ni Discaya na siya ay “directly lang with Alpha & Omega” at nag-divest na sa walong iba pang kumpanya. 

Ngunit ilang minuto lang ang lumipas, kinumpirma niyang pag-aari pa rin niya ang siyam na kumpanya, kabilang ang St. Timothy, Elite General Contractor, Amethyst Horizon Builders, at Waymaker OPC.

“Ang kulit!!!” ani Sotto, matapos magpalit-palit ng sagot si Discaya. “Halatang gumagamit sila ng mga dummy.”

Isa sa mga pinakakontrobersyal na bahagi ng hearing ay ang pag-amin ni Ma. Roma Rimando, COO ng St. Timothy, na dati siyang HR Manager sa St. Gerrard Construction. Sa kabila ng dating ₱30K–₱40K na sweldo, naging majority owner siya ng kumpanyang may ₱888M paid-up capital. 

Nang tanungin kung paano niya nakuha ang pondo, sagot niya: “Nung kumikita na po si St. Timothy, wala po akong nilalabas na sarili kong kita.” Hindi rin malinaw kung paano naipasa sa kanya ang shares, dahil ayon sa SEC filings, si Miguel Juntura ang dating may-ari—isa ring dating empleyado ng Discaya group.

Bukod pa rito, isiniwalat din sa hearing na ang listed owner ng Elite General Contractor ay pinsan ni Rimando, habang ang Amethyst Horizon ay nakapangalan sa isang empleyado lang. Ang Waymaker OPC naman ay nakapangalan sa anak ni Cezarah, si Gerrard Discaya, habang ang alternate nominee ay kapatid niyang si Christian Andrew Cruz, dating nominee ng partylist para sa mga katutubo.

Para sa susunod na pagdinig, nanawagan si Sotto na tanungin nang direkta ang mga contractor at opisyal ng DPWH: “Totoo ba na naga-ADVANCE ang ibang contractor ng hanggang 40% ng project cost sa mga congressman/politiko? Or, whatever the rate may be, is it true that there is an ‘SOP’ or kickback for DPWH projects? Ano ang hatian?” Dagdag pa niya, “Wala naman sigurong aamin, pero malay mo…”

Hiniling din ni Sotto na ipatawag hindi lang si Madam Cezarah, kundi pati ang umano’y campaign spokesperson at DPWH project mastermind ng Discaya group—si Curlee “Great Pacific” Discaya. “Mukhang mas may alam siya,” ani ng alkalde.

Sa gitna ng mga pagdinig, patuloy ang panawagan ni Sotto na panagutin hindi lamang ang mga contractor kundi pati na rin ang mga opisyal ng gobyerno. “Kung hindi, paulit-ulit lang ‘to mangyayari sa bayan natin,” babala niya.