Diskurso PH
Translate the website into your language:

BOC nasamsam na ang 12 luxury cars ng pamilyang Discaya

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-03 09:42:29 BOC nasamsam na ang 12 luxury cars ng pamilyang Discaya

PASIG CITY — Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) ang 12 luxury vehicles na pag-aari ng pamilya ng kontratistang si Cezarah Rowena “Sarah” Discaya, matapos ang isinagawang operasyon sa compound ng St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp. sa Barangay Bambang, Pasig City.

Ang operasyon ay isinagawa alinsunod sa search warrant na inisyu ng Manila Regional Trial Court Branch 18, kaugnay ng imbestigasyon sa posibleng paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act. Ayon sa BOC, ang mga sasakyang ito ay walang kaukulang import entry records at posibleng hindi nabayaran ng tama ang buwis at duties.

Unang natagpuan ng BOC ang dalawang sasakyan — isang Toyota LC300 3.3 V6 ZX AT SUV 2024 at isang Maserati Levante Modena 2022 — sa compound ng kumpanya. Sinundan ito ng pagkakasamsam sa pito pang sasakyan na kusang isinuko ng pamilya Discaya sa parehong araw. Kabilang sa mga ito ang Rolls-Royce Cullinan 2023, Bentley Bentayga, Mercedes-Benz G-Class (Brabus G-Wagon), Mercedes AMG G 63 SUV 2022, Toyota Tundra 2022, Toyota Sequoia, at Cadillac Escalade ESV 2021.

Tatlong karagdagang sasakyan — isang Mercedes-Benz G 500 SUV 2019, GMC Yukon Denali SUV 2022, at Lincoln Navigator L 2024 — ay nasa mga awtorisadong service centers at nakatakdang isuko sa BOC sa sandaling ma-release ang mga ito.

Ayon kay BOC Chief of Staff Jek Casipit, “Based po sa records namin, 12 ho yung wala po kaming na-pull out na record sa Bureau of Customs, so we were banking on those data. We cannot check on other data na wala naman po kaming basis po.” Dagdag pa niya, “Ito ho yung mga wala ho kaming nakuhang verification ng import entry. So mayroon ho kaming probable cause na baka hindi po nabayaran nang tama ang import duties and taxes”.

Sinabi naman ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na “With all 12 luxury vehicles now accounted for, the BOC continues to verify their importation records to determine compliance with customs laws”. Binigyang-diin din niya na ang sinumang magtatago o magtatangkang itago ang mga sasakyan ay mananagot sa batas.

Sa isang pagdinig sa Senado, kinumpirma ni Sarah Discaya na mayroong 40 luxury vehicles ang kanilang pamilya, ngunit nilinaw na 28 lamang ang personal nilang gamit at ang iba ay service vehicles ng kanilang kumpanya.

Ang lahat ng nasamsam na sasakyan ay isinailalim sa sealing at kasalukuyang binabantayan ng BOC at Philippine Coast Guard personnel sa compound ng St. Gerrard Construction.

Larawan mula sa BOC