Diskurso PH
Translate the website into your language:

DepEd, sinampahan ng kaso ang 7 pribadong paaralan dahil sa pekeng benepisyaryo ng voucher

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-03 18:30:27 DepEd, sinampahan ng kaso ang 7 pribadong paaralan dahil sa pekeng benepisyaryo ng voucher

SETYEMBRE 3, 2025 — Sinampahan ng Department of Education (DepEd) ng kasong kriminal ang pitong pribadong paaralan na umano’y nag-claim ng subsidy para sa mga pekeng estudyante sa ilalim ng senior high school voucher program.

Sa pagdinig ng House appropriations committee nitong Setyembre 3, kinumpirma ni Education Secretary Sonny Angara na naisampa na ang mga kaso sa tanggapan ng piskal at nakapagpadala na rin ng demand letters sa mga sangkot na paaralan.

“We filed a case against seven private schools that have ghost beneficiaries. So that has been filed at the fiscal office, and we have demand letters for that,” pahayag ni Angara. 

(Nagsampa kami ng kaso laban sa pitong pribadong paaralan na may ghost beneficiaries. Naisampa na ito sa opisina ng piskal, at may demand letters na rin kami para rito.)

Aabot sa ₱61.9 milyon ang kabuuang halagang sangkot sa umano’y anomalya, ayon kay Angara.

Kinumpirma rin ni Dennis Legaspi, media relations chief ng DepEd, na ang mga kasong isinampa ay may kinalaman sa estafa sa pamamagitan ng pekeng dokumento, pati na rin sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act (RA 10175).

Hindi pa tapos ang imbestigasyon ng DepEd. May mga iniimbestigahan pang ibang paaralan na posibleng sangkot din. 

“We have a pending investigation in the legal department regarding similar situations. So we will update you as we go along,” dagdag ni Angara. 

(May nakabinbing imbestigasyon pa sa legal department tungkol sa mga kahalintulad na kaso. Magbibigay kami ng update habang umuusad ito.)

Noong Hulyo, nagsampa rin ng kaso ang DepEd laban sa tatlong opisyal ng paaralan dahil sa pekeng dokumento, kabilang ang mga tangkang panloloko. Sa parehong buwan, sinabi ni Angara na posibleng mabawi ng ahensya ang mahigit ₱100 milyon mula sa mga kaduda-dudang claim, bukod pa sa ₱65 milyon na na-refund mula sa 54 paaralang tinanggal sa programa.

Sa isang pagdinig noong Marso, iniulat ng DepEd na winithhold ang ₱200 milyong subsidy para sa tinatayang 22,000 ghost students sa school year 2023–2024.

(Larawan: Philippine News Agency)