₱476M shabu, nasabat sa balikbayan boxes mula US
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-04 09:13:48
Setyembre 4, 2025 - Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang ₱476 milyon halaga ng hinihinalang shabu na nakatago sa loob ng tatlong balikbayan boxes mula sa Estados Unidos. Ang kontrabando, na tumitimbang ng humigit-kumulang 70 kilo, ay natuklasan sa isang courier warehouse sa Vitas, Tondo, Manila noong Setyembre 2.
Ayon sa BOC, ang mga kahina-hinalang balikbayan boxes ay dumaan sa X-ray screening kung saan nakita ang mga “unusual images” sa loob ng dalawang container vans na idineklarang naglalaman ng “household goods and personal effects.” Sa isinagawang physical inspection na sinamahan ng K9 units, natuklasan ang 70 vacuum-sealed transparent plastic packs ng puting kristal na substansiya na pinaniniwalaang shabu.
Ang shipment ay nagmula sa Long Beach, California, at nakapangalan sa mga alias na “Jose” at “Izang,” na nakatira sa isang high-end subdivision sa Bacoor City, Cavite. Ayon sa ulat, ang unang kahon ay may 24 kilo ng shabu na nakatago sa isang maliit na kahon at backpack; ang ikalawa ay may 27 kilo na nakahalo sa canned goods at branded backpack; habang ang ikatlo ay may 19 kilo na nakalagay sa mga assorted personal items.
Sa isang pahayag, sinabi ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, “Christmas season na dadagsa yung balikbayan boxes. Sinisigurado natin ating mga kababayan na iniingatan natin yung pagbubukas ng kanilang mga balikbayan boxes. Kaya lang, ito'y makikita natin na naaabuso po”.
Dagdag pa ni Nepomuceno, ang operasyon ay hindi bunga ng intelligence report kundi bahagi ng standard operating procedure ng ahensya. Tinukoy rin niya na ang mga padala mula sa southern United States ay itinuturing na “high risk” dahil sa mga naitalang kaso ng smuggling sa rehiyon.
Ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay kasalukuyang nagsasagawa ng backtracking investigation upang matukoy ang utak sa likod ng operasyon. Inihahanda na rin ang mga kaso para sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act.
Patuloy ang koordinasyon ng BOC sa US Homeland Security at mga consolidator upang maiwasan ang mga ganitong insidente sa hinaharap. Ang insidente ay muling nagpapaalala sa publiko na maging mapagmatyag sa paggamit ng balikbayan boxes, lalo na sa panahon ng Kapaskuhan.
Larawan mula sa PDEA
