Diskurso PH
Translate the website into your language:

Alitan habang bumibili ng ice cream, nauwi sa patayan!

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-04 02:45:10 Alitan habang bumibili ng ice cream, nauwi sa patayan!

Los Baños, Laguna — Patay ang isang 25-anyos na lalaki matapos barilin gamit ang sumpak ng lalaking una na niyang nakaalitan habang bumibili ng ice cream sa Barangay sa Los Baños, Laguna.

Batay sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, makikita sa nag-viral na video ang biktima kasama ang ilang “resbak” na armado ng mga patalim habang pinipigilan sila ng isang babae. Ilang saglit pa, muling sumugod ang grupo at isang putok ang umalingawngaw na tumama sa biktima.

Agad na isinugod ang lalaki sa ospital at sumailalim sa operasyon, ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay.

Ayon kay Police Captain Christian Rex de Guzman ng Los Baños Police, nagsimula ang alitan nang magkasagutan ang biktima at asawa ng babae sa video. Pareho umano silang nakainom nang mangyari ang insidente.

“Si biktima natin dumating nang lasing at nakursunadahan ang kabilang panig. Ang suspek, napagtulungan, nakuyog. Pagbalik ng biktima kasama ang mga armadong kaibigan, naghamon muli hanggang sa doon na nangyari ang pamamaril,” paliwanag ni De Guzman.

Tumakas ang suspek matapos ang insidente at hanggang ngayon ay pinaghahanap ng mga awtoridad. Hindi rin narekober ang ginamit na sumpak. Samantala, nakumpiska naman ng pulisya ang ilang patalim at isang karit mula sa lugar.

Nananawagan ang pamilya ng biktima sa suspek na kusang sumuko at harapin ang kaso. Hanggang sa ngayon, walang inilalabas na pahayag mula sa panig ng pamilya ng suspek. (Larawan: Google)