Diskurso PH
Translate the website into your language:

Dalawang Pinoy, biktima ng e-pickpocketing: Pera nilimas kahit walang OTP

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-04 09:13:46 Dalawang Pinoy, biktima ng e-pickpocketing: Pera nilimas kahit walang OTP

September 4, 2025 - Dalawang Filipino content creator ang nabiktima ng tinatawag na “e-pickpocketing” o digital pickpocketing, kung saan bigla na lamang nawala ang pera sa kanilang bank account kahit hindi sila nag-click ng anumang link o nagbigay ng one-time password (OTP).

Isa sa mga biktima ay si Karen Yunez, isang midwife at content creator. Noong Hulyo 28, anim na magkakasunod na transaksyon sa isang airline ang naproseso sa kanyang bank account na umabot sa kabuuang ₱70,000. Ayon kay Karen, hindi siya ang nag-book ng mga flights at agad siyang nakipag-ugnayan sa bangko at sa airline company.

“Purot ako ang sabi, hindi daw magbalik yung pera ko dahil valid daw yung transaction. Sabi ko, paano valid yun kung wala akong na-receive ng OTP? Baka pwede investigahan nyo din si Cebu Pacific sinong nag-book niyan,” giit ni Karen.

Matapos ang higit isang buwan, naibalik ang pera sa kanyang account, ngunit nananatiling misteryoso kung paano ito nangyari.

Samantala, si Armzon Panesa, isang negosyante at content creator, ay nawalan naman ng ₱18,000 sa kanyang bank account noong Agosto 4. Ayon sa kanya, sinagot lang niya ang isang tawag kung saan walang nagsalita at agad ding naputol. Ilang oras matapos ang tawag, nakatanggap siya ng abiso mula sa bangko tungkol sa mga transaksyong hindi niya ginawa.

“Wala din ako nakiklik na link kasi hindi talaga ako pala check ng messages. Wala ako na-receive ng OTP at all,” ani Armzon.

Matapos ang dalawang linggo, naisoli rin ang kanyang pera.

Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), posibleng kaso ito ng e-pickpocketing—isang uri ng cybercrime kung saan ginagamit ang teknolohiya gaya ng Near Field Communication (NFC), Radio Frequency Identification (RFID), at SIM cloning upang makuha ang impormasyon mula sa mobile devices ng biktima.

“Well, it’s possible na kasi the technology right now has evolved... They use yung mga NFC, tsaka yung mga RFIDs natin, didikit lang doon sa mga phones natin, makukuha na lahat ng details. They can scheme it, tapos they can manipulate it, they can access it,” paliwanag ng DICT.

Ang RFID ay gumagamit ng radio waves upang magbasa ng datos, habang ang NFC ay isang feature sa mga smartphone na nagpapahintulot ng data transfer sa pagitan ng dalawang magkalapit na device. Sa SIM swapping naman, kinokopya ng hacker ang SIM card ng biktima upang makuha ang OTP na ipinapadala sa clone.

Payo ng mga eksperto

  • I-off ang NFC function ng cellphone kung hindi ito ginagamit.
  • Maging maingat sa mga SIM-related issues.
  • Gumamit ng RFID at NFC blocker upang maiwasan ang hindi awtorisadong pagkuha ng impormasyon.

Ang insidente ay nagsisilbing babala sa publiko na kahit maingat sa paggamit ng mobile apps, hindi pa rin ligtas sa mga makabagong uri ng panlilinlang. Patuloy ang panawagan sa mga bangko at ahensya ng gobyerno na paigtingin ang proteksyon sa digital financial systems.

Larawan mula sa AI