Zaldy Co nasa US habang iniimbestigahan sa ₱13B flood control anomalies
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-04 12:58:10
Setyembre 4, 2025- Kinumpirma ng House of Representatives na nasa Estados Unidos si Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co para sa medical treatment. Ayon kay House Spokesperson Atty. Princess Abante, may travel clearance si Co mula sa liderato ng Kamara at ang kanyang pag-alis ay “for health reasons.”
“Congressman Co is currently in the United States for medical treatment. His travel was approved and documented,” pahayag ni Abante.
Gayunpaman, ang timing ng kanyang pag-alis ay umani ng batikos mula sa ilang mambabatas at netizens, lalo’t si Co ay isa sa mga sentro ng kontrobersya kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Si Co ay dating chairperson ng House Committee on Appropriations at isa sa mga nanguna sa bicameral deliberations para sa 2025 national budget. Ayon sa mga ulat, may higit ₱13 bilyong halaga ng infrastructure projects na nauugnay sa kanyang pangalan, kabilang ang ₱2.23 bilyon para sa Ako Bicol party-list at ₱2.06 bilyon para sa Barangay Health Workers party-list na pinamumunuan ng kanyang pamangkin.
Bukod dito, si Co ay co-founder ng Sunwest Construction, isa sa mga contractor na nakakuha ng malaking bahagi ng flood control budget mula 2022 hanggang 2025. Ang Sunwest ay pumangalawa sa listahan ng mga kumpanyang tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakatanggap ng pinakamalalaking kontrata para sa flood control projects.
Ang Hi-Tone Construction, na itinatag ng kanyang kapatid na si dating Congressman Christopher Co, ay sangkot din sa kontrobersya matapos bumagsak ang bubong ng isang stage sa Albay na bahagi ng isang ₱95.8 milyong proyekto. Ang insidente ay nagdulot ng pagkasugat ng anim na katao at nagbukas ng mas malalim na imbestigasyon sa kalidad ng mga proyekto ng mga contractor na konektado sa pamilya Co.
Sa kasalukuyan, may tatlong House committees—Public Accounts, Good Government and Accountability, at Public Works—na nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga “ghost projects” at substandard flood control infrastructure. Sinabi ni Rep. Terry Ridon na kung may ebidensyang mag-uugnay kay Co sa mga anomalya, “we will be compelled to invite him” sa mga pagdinig.
Ngunit ayon sa mga tala ng Kamara, si Co ay hindi pa nakadalo sa alinmang sesyon ng 20th Congress mula Hulyo 29 hanggang Agosto 27. Wala rin siyang naitalang panukalang batas sa panahong ito, taliwas sa kanyang pagiging aktibo noong nakaraang Kongreso.
