Diskurso PH
Translate the website into your language:

₱3.1M suhulan? DPWH engineer Calalo binaligtad si Rep. Leviste sa affidavit

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-06 07:41:36 ₱3.1M suhulan? DPWH engineer Calalo binaligtad si Rep. Leviste sa affidavit

BATANGAS — Sa gitna ng kontrobersya kaugnay ng umano’y tangkang panunuhol, binaligtad ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Batangas First District Engineer Abelardo Calalo si Rep. Leandro Leviste sa kanyang counteraffidavit na isinumite sa provincial prosecutor noong Setyembre 5, 2025.

Mariing itinanggi ni Calalo ang akusasyon na sinubukan niyang suhulan si Leviste ng ₱3.1 milyon upang mapatigil ang imbestigasyon sa mga flood control projects sa distrito. Ayon sa kanya, ang naturang halaga ay “donasyon” mula sa isang pribadong contractor na kanyang sinolicit upang suportahan ang mga proyekto ni Leviste, batay sa “explicit instructions” ni Uswag Ilonggo Party-list Rep. Jojo Ang.

“I vehemently deny the accusations against me,” ani Calalo. “The same are either contrived or founded on a twisting of the truth, and clearly as part of a political agenda”.

Ikinuwento rin ni Calalo na unang nagkita sila ni Leviste noong Disyembre 2024 sa Matabungkay Beach Club, sa isang pulong na pinangunahan ng staff ni Sen. Loren Legarda, ina ni Leviste. Matapos ang halalan noong Mayo 2025, muling ipinatawag si Calalo sa isang pagpupulong kasama sina Leviste at Ang upang talakayin ang pondo mula 2020 hanggang 2025 at ang panukalang budget para sa 2026.

Ayon kay Calalo, noong Mayo 28 ay inutusan umano siya ni Ang na mangolekta ng kontribusyon mula sa mga contractor na may proyekto sa ilalim ng 2025 DPWH budget sa distrito, bilang “show of support” sa mga programa ni Leviste.

Ngunit sa panig ni Leviste, mariin niyang itinanggi ang anumang kaugnayan ni Ang sa mga proyekto sa kanyang distrito. “I can say this: Not once in my meeting with him (Calalo) did he mention the name of the congressman that you talked about (Ang),” pahayag ni Leviste sa panayam.

Dagdag pa ni Calalo, noong Agosto 14 ay bumisita si Leviste sa kanyang opisina upang tanungin kung sino ang mga contractor na nabigyan ng proyekto sa ilalim ng dating kongresista na si Eric Buhain. “I could see that he was dissatisfied with my answer, and I suspected that he intended for me to be removed from my position and be replaced by a district engineer of his choice, which was true,” aniya.

Sa ikalawang pulong noong Agosto 22—araw ng kanyang pagkakaaresto—sinabi ni Calalo na si Leviste ang unang nagbanggit ng “10 percent contributions” mula sa mga contractor. “Cong. Leviste then asked me out of nowhere how much it would amount to if the contributions from the contractors would reach ten percent,” ani Calalo, na umaming nalito sa tanong ngunit tinantya ang kabuuang halaga sa ₱360 milyon kung lahat ng contractor ay mag-aambag.

Sa kasalukuyan, nakalaya na si Calalo matapos magpiyansa ng ₱150,000. Inilabas na rin ng DPWH ang kautusan ng suspensyon laban sa kanya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso.