Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sotto, pinatalsik si Escudero! Bagong liderato sa Senado, binuo

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-08 15:49:30 Sotto, pinatalsik si Escudero! Bagong liderato sa Senado, binuo

SETYEMBRE 8, 2025 — Nagbago ang ihip ng hangin sa Senado matapos kumpirmahin ni Senador Vicente “Tito” Sotto III na siya na ang bagong pangulo ng mataas na kapulungan, kapalit ni Senador Francis “Chiz” Escudero. Kinumpirma ni Sotto na may 15 senador na pumirma para sa pagpapalit ng liderato.

Sa isang ambush interview, tinanong si Sotto kung siya na ang papalit kay Escudero. 

“Parang ganun,” sagot niya. 

Ayon kay Sotto, bago pa man ang plenary session, nakausap na niya si Escudero hinggil sa maayos na transisyon. 

“I have to see him … Ang una kong tinanong is ‘How do you want to do this?’ Sabi niya, 'It’s up to you. How do you prefer to do it?’ Sabi niya... ‘Let’s do it and declare the Senate president vacant,’” ani Sotto. 

Ang dating minorya, na pinamunuan ni Sotto, ay ngayon bahagi na ng mayorya. Kasama niya rito sina Senators Risa Hontiveros, Panfilo “Ping” Lacson, Loren Legarda, at Juan Miguel “Migz” Zubiri.

Si Lacson ang inaasahang uupo bilang Senate President Pro Tempore, habang si Zubiri ang posibleng bumalik bilang majority leader — posisyong hawak na niya noong 2008–2010 at 2018–2022.

Samantala, si Escudero ay makakabuo ng bagong minorya kasama ang mga tinaguriang “Duterte” senators: Ronald “Bato” Dela Rosa, Bong Go, Imee Marcos, at Robinhood Padilla.

Ang biglaang pagbabago sa liderato ay naganap 15 buwan matapos palitan ni Escudero si Zubiri bilang Senate president noong Mayo 2024. Si Sotto, na dating minority leader, ay muling bumalik sa puwesto na una niyang hinawakan mula Mayo 2018 hanggang Hunyo 2022.

(Larawan: Vicente Tito Sotto | Facebook)