Flood fund freeze! PBBM, ayaw bigyan ng bagong pondo ang flood control projects
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-09 08:55:21
MANILA — Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na wala nang bagong alokasyon para sa mga flood control projects sa panukalang pambansang budget para sa taong 2026. Sa kanyang podcast episode na inilabas nitong Lunes, Setyembre 8, ipinaliwanag ng Pangulo na sapat pa ang natitirang pondo mula sa 2025 upang ipagpatuloy ang mga kasalukuyang proyekto.
“Marami na tayong nagawa as of now pa lang. Number one, we already are seeing na lahat ng flood control project na dapat ilalagay sa 2026 na budget, hindi na siguro kailangan,” pahayag ni Marcos. Dagdag pa niya, “So, there will be no budget for 2026 for flood control. Dahil mayroon naman P350 billion for 2025 na hindi pa nauubos talaga. So, tuloy-tuloy pa ‘yung trabaho”.
Nilinaw rin ng Pangulo na hindi ibig sabihin nito ay titigil na ang mga flood control projects. “Hindi naman – hindi ibig sabihin titigil natin ‘yung flood control project – mga flood control project. Ibig sabihin, titiyakin na ngayon natin na ang paggastos tama, ang pag-implement tama, maayos ang design, etcetera, etcetera,” ani Marcos.
Ang desisyong ito ay kasunod ng mga alegasyon ng katiwalian sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kung saan 15 kumpanya umano ang nakakuha ng 20% ng mga kontrata sa buong bansa. Noong nakaraang linggo, iniutos ni Marcos ang masusing pagsusuri sa panukalang budget ng DPWH sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa 2026.
Ayon sa ulat, ang DPWH ay humiling ng P250.8 bilyon para sa flood management program sa 2026 NEP, na mas mataas pa sa P248 bilyon na nakalaan sa 2025 General Appropriations Act. Ngunit dahil sa hindi pa nagagamit ang malaking bahagi ng pondo ngayong taon, minabuti ng Pangulo na huwag nang maglaan ng bagong budget para sa susunod na taon.
Bukod dito, binanggit ni Marcos ang posibilidad ng pakikipag-usap sa mga contractor upang ayusin ang mga depektibong proyekto. “Ang sinasabi ko nga, interesado ako na makipag-usap tayo sa mga contractor na tapusin nila. Ayusin nila. Buoin nila up to specification. At their cost ha? Huwag naman sila mag – don't expect the government to pay for it. Ayusin nila ‘yung project nila,” giit ng Pangulo.
Patuloy ang imbestigasyon ng pamahalaan sa mga anomalya sa flood control projects, at inaasahang ilalabas sa mga susunod na araw ang listahan ng mga miyembro ng independent body na tututok sa pagsisiyasat. Samantala, suspendido pa rin ang deliberasyon sa budget ng DPWH sa Kamara hanggang sa maipasa ang mga rebisadong panukala at errata sa Setyembre 16.
