67-anyos na lola sa Infanta, patay matapos tagain — suspek, arestado
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-11 21:37:33
INFANTA, QUEZON — Naaresto na ng mga awtoridad ang suspek sa karumal-dumal na pananaga at pagpatay sa isang 67-anyos na babae sa bayan ng Infanta nitong Setyembre 10, 2025.
Kinilala ang suspek na si Mark Dunhill Carbon Alfonso, alyas “Kulok”, 27 taong gulang, may asawa, at isang magsasaka mula sa Brgy. Batican, Infanta. Siya ang itinuturong responsable sa pagpaslang kay Felisa C. Astrera, isang balo at retiradong daycare worker na residente rin ng naturang barangay.
Batay sa ulat ng pulisya, pinamunuan ni PMAJ Fernando Credo, Acting Chief of Police ng Infanta, ang isinagawang hot pursuit operation na nagresulta sa pagkakadakip kay Alfonso bandang alas-9:40 ng gabi sa Sitio Ikdan, Brgy. Magsikap, General Nakar, Quezon.
Narekober mula sa suspek ang isang bolo na sinasabing ginamit sa krimen. Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya si Alfonso at isasailalim sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Mariing kinondena ng lokal na pamahalaan at ng mga residente ang naturang krimen na nagdulot ng matinding takot at pangamba sa komunidad. Samantala, tiniyak naman ng PNP na kanila itong tututukan upang matiyak ang hustisya para sa pamilya ng biktima.
Ang insidente ay nagsisilbing paalala sa kahalagahan ng seguridad sa mga pamayanan, at ayon sa mga otoridad, patuloy ang kanilang mahigpit na pagbabantay upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Quezon. (Larawan: Infanta MPS)