Diskurso PH
Translate the website into your language:

Kumakalat na panawagan sa social media para sa rally sa Luneta sa Setyembre 21

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-11 21:03:00 Kumakalat na panawagan sa social media para sa rally sa Luneta sa Setyembre 21

Maynila — Sunod-sunod na kumakalat sa social media ang mga poster at mensahe na naghihikayat sa publiko na magtipon sa Luneta Park sa darating na Setyembre 21, 2025.


Sa mga post, malinaw ang panawagan na magkaisa at lumahok sa kilos-protesta laban sa korapsyon. Makikita sa mga larawang nag-viral ang mga nakamaskara at nakataas na kamao, kalakip ang mensahe ng pagkilos at paghahanap ng hustisya.


Ilan pang viral na post ang tuwirang nananawagan sa mamamayan na “kumilos na habang nandito pa ang mga magnanakaw sa Pilipinas” at “magkaisa laban sa katiwalian.”


Samantala, iba-iba ang naging reaksyon ng mga netizen sa naturang mga paanyaya.

May ilan na nagpahayag ng suporta at nagsabing mahalaga ang sama-samang pagkilos upang marinig ang tinig ng taumbayan. Ayon sa isang komento: “Tama lang na lumabas na tayo, sobra na ang nakikita nating problema sa bansa.”


Ngunit may ilan din namang nagbigay ng babala at nagpayo ng pag-iingat. Isa pang netizen ang nagsabi: “Maganda ang hangarin pero sana malinaw kung sino ang nag-organisa. Mahirap sumama kung hindi tiyak ang seguridad.”


Sa kabila ng magkaibang pananaw, mabilis na kumakalat ang mga panawagan online, partikular sa mga Facebook groups at community pages na may libo-libong miyembro. Dahil dito, inaasahang mas marami pang makakakita at posibleng maengganyong lumahok habang papalapit ang itinakdang petsa ng pagtitipon.


Ang Setyembre 21 ay itinuturing ding makasaysayang petsa sa bansa, kaya’t inaasahang mas magiging makabuluhan ang napiling araw para sa mga inaanyayahan sa nasabing pagkilos.

Larawan mula sa Visual Perfume Tv