Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Kung kaya mo si Romualdez at Zaldy Co, goods' — Cong. Barzaga, hinamon si Sen. Ping Lacson

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-11 22:57:06 ‘Kung kaya mo si Romualdez at Zaldy Co, goods' — Cong. Barzaga, hinamon si Sen. Ping Lacson

MANILA Hindi pa natatapos ang sagutan ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga laban kay Senate President Tito Sotto, at ngayo’y si Sen. Panfilo “Ping” Lacson naman ang kanyang pinupuntirya bilang bagong chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ayon kay Barzaga, malalagay sa tunay na pagsubok ang pamumuno ni Lacson kung ipatatawag nito sa imbestigasyon sina House Speaker Martin Romualdez at Cong. Zaldy Co kaugnay ng kontrobersyal na flood control funds.

“Kung kaya mo si Zaldy Co at Romualdez sa Blue Ribbon, edi goods. Pag hindi, edi parehas lang sila ni Sotto,” buwelta ng kongresista.

Giit ni Barzaga, mahalaga ang hakbang na ito para patunayan na independent at matapang ang liderato ni Lacson sa komite na kilala sa matitinding pagbusisi ng mga isyu ng katiwalian.

Nag-ugat ang hamon matapos magbitaw si Barzaga ng matitinding pahayag laban kay Sotto, na umano’y hindi naging patas at firm sa kanyang mga aksyon bilang dating pinuno ng Senado.

Para sa kongresista, magiging sukatan ng kredibilidad ni Lacson kung kaya nitong patunayan na walang kinikilingan ang kanyang imbestigasyon, kahit pa malalaking pangalan sa politika ang madadamay. (Larawan: Kiko Barzaga / Fb)