Diskurso PH
Translate the website into your language:

Robin Padilla pinabulaanan dirty finger isyu sa senado

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-12 08:31:50 Robin Padilla pinabulaanan dirty finger isyu sa senado

MANILA — Matapos kumalat ang mga akusasyong nag-“dirty finger” umano si Senator Robin Padilla habang inaawit ang Lupang Hinirang sa plenaryo ng Senado, agad siyang naglabas ng ebidensiya upang pabulaanan ang isyu. Sa isang live video sa Facebook, ipinakita ni Padilla ang mga larawan mula sa ibang anggulo na malinaw na hintuturo (index finger) ang kanyang iniangat—hindi gitnang daliri.

“Gusto ko pong iparating sa inyong lahat, ito po ay banal sa aming mga Muslim, banal po ito,” ani Padilla, sabay paliwanag na ang pagtaas ng hintuturo ay bahagi ng kalimah La ilaha ilallah, isang simbolo ng pananampalataya sa iisang Diyos sa Islam.

Mariin niyang itinanggi ang paratang at sinabing, “Magpapakamatay na lang po ako kung gagawin ko ‘yun. Hinihingi ko po na huwag sana natin itong gawing kalokohan dahil ito po ang pundasyon ng lahat ng pananampalataya ng Muslim.”

Naglabas din ng pahayag ang kanyang asawa, si Mariel Padilla, sa Instagram kung saan ipinakita niya ang collage ng mga larawan ni Robin na may nakataas na hintuturo. Nilagyan pa niya ito ng sticker na “watch before you judge,” na nag-uugnay sa isang TikTok video na nagpapaliwanag ng kahulugan ng kilos.

Ayon sa kanyang chief of staff na si Atty. Philip Jurado, “Senator Padilla would never do such a gesture. It was his index finger pointing upward, not a vulgar sign.”

Ang isyu ay nagsimula sa isang media report na nagsabing nagpakita umano si Padilla ng bastos na senyas habang inaawit ang pambansang awit noong Setyembre 8. Ngunit ayon sa senador, ang larawan ay na-misinterpret at hindi dapat gawing biro ang isang banal na simbolo ng pananampalataya.

“Wala po akong ginawang pambabastos sa religion namin at wala rin akong ginawang pambabastos sa ating watawat,” giit pa niya habang ipinapakita ang larawan sa live broadcast.

Sa kabila ng kontrobersiya, nanindigan si Padilla na ipagpapasa-Diyos na lamang niya ang isyu: “Marami ang nagsasabi sa akin na mag-demanda ako, ay mababawasan ako ng reward. Ipagpapasa Diyos ko ito.”

Makikita sa mga larawang inilabas ng senador na malinaw ang kanyang intensyon—isang pagpapahayag ng pananampalataya, hindi pambabastos. Sa panahon ng mabilisang paghusga sa social media, tila ang “resibo” ni Robin ay sapat na upang linawin ang lahat.