‘Hindi ito noontime show’: Bato, binanatan si Sotto sa gitna ng tensyon sa plenaryo
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-16 13:49:29
SETYEMBRE 16, 2025 — Hindi napigilan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang kanyang pagkadismaya sa naging pahayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III kaugnay sa kontrobersyal na muling paglipat kay dating DPWH engineer Brice Hernandez sa kustodiya ng Senado. Sa gitna ng sesyon nitong Lunes, iginiit ni Dela Rosa na hindi dapat gawing palabas ang institusyon.
“Ang Senado po, hindi po noontime TV show na puro gimik ang ating tini-take up dito. Kami po ay nag-raise dito ng legitimate issues which require legitimate attention. So, Mr. President, ako po ay nalulungkot,” ani Dela Rosa.
Ang pahayag ay tugon sa panayam ni Sotto kung saan tinawag niyang “gimik” ang pagtutol ng minorya sa desisyon ng Senado na ibalik si Hernandez mula sa Pasay City Jail. Si Hernandez ay dating assistant engineer ng DPWH at naging susi sa paglantad ng umano’y anomalya sa flood control projects na kinasasangkutan ng ilang senador.
Matapos maghain ng writ of amparo ang kampo ni Hernandez sa Pasay RTC Branch 112, humiling ito ng pansamantalang proteksyon at paglalagay sa witness protection program. Dahil dito, muling ibinalik si Hernandez sa Senado nitong Lunes ng umaga.
Ngunit para sa minorya, hindi ang lokasyon ng pagkakakulong ang pangunahing isyu kundi ang proseso ng desisyon. Si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ay nagpahayag ng pagkabahala sa kawalan ng konsultasyon.
“Ako as minority leader … hindi naman ako nakonsulta. So ang problema namin sa minority is not really where he is detained eh. Ang problema namin, can we rely on the rules?” ani Cayetano.
Tinuligsa naman ni Sotto ang pagbira ni Dela Rosa, at tinawag itong “very unparliamentary” (masama sa asal ng isang mambabatas).
Ipinaliwanag ni Sotto na ang kanyang “mamatay sa sama ng loob” na komento ay tugon lamang sa mga troll online. Dagdag pa niya, bilang Senate President, may kapangyarihan siyang magdesisyon kung saan ikukulong ang isang witness na cited in contempt.
“The Senate President has the power to order the transfer and if I have used a word that has not conformed to your palette, pagpasensyahan niyo kapag ganon dahil karamihan ng binanggit ko, opinyon ko,” ani Sotto.
Sa huli, matapos ang maikling suspensyon ng sesyon, pinanatili ng Senado ang desisyon na ibalik si Hernandez sa kanilang kustodiya. Nagkasundo rin ang mga lider ng Senado na palakasin ang koordinasyon sa pagitan ng mayorya at minorya sa mga ganitong usapin.
(Larawan: Senator Ronald "Bato" Dela Rosa | Facebook)
