Diskurso PH
Translate the website into your language:

Dy-nasty sa Isabela, ang malawak na kapangyarihan ng pamilyang Dy pang lokal at nasyonal

Ipinost noong 2025-09-18 13:22:40 Dy-nasty sa Isabela, ang malawak na kapangyarihan ng pamilyang Dy pang lokal at nasyonal

Isabela- Sa lalawigan ng Isabela, hindi maikakaila ang impluwensiya ng isang apelyido Dy. Sa halos lahat ng antas ng pamahalaan—mula sa kongreso, kapitolyo, hanggang sa mga bayan at lungsod—nakaupo sa kapangyarihan ang mga miyembro ng iisang pamilya. Sa dami ng kanilang hawak na posisyon, malinaw na ang politika sa ikalawang pinakamalaking lalawigan sa bansa ay mahigpit na hinuhubog ng isang makapangyarihang political clan.

Sa Kongreso  ay may pulitikong DY, sa kasalukuyan dalawa sa mga anak ng pamilya ang nakaupo sa Kamara sina Cong. Ian Paul Dy ng 3rd District at Cong. Mike Dy ng 5th District.


Sa pamahalaang pang lalawigan naman ay hawak ng pamilyang Dy ang isa sa pinakamataas ng puwesto sa katauhan ni Vice Governor Kiko Dy -anak ng bagong hirang na House Speaker.

Hindi lang sa kongreso at kapitolyo nangingibabaw ang pamilyang Dy. Sa mga pangunahing lungsod at bayan ng Isabela, mula sa pamilya rin nila ang nakaupo. Gaya nina Mayor Inno Dy ng Echague pumalit sa pwesto ng kanyang kapatid na ngayon ay Vice Governor. 

Sa bayan ng San Manuel ay pinamumunuan ni Mayor Dondon Dy, at magkapatid na Mayor at Vice Mayor Dy sa lungsod ng Cauayan. At si Mayor Sheena Dy naman ay sa Santiago City.


Dagdag pa rito, kabilang si Board Member King Dy ng 5th District sa bumubuo ng Sangguniang Panlalawigan.


Mula pa noong dekada 1960, nagsimula nang umangat sa politika ang pamilyang Dy, sa pamumuno ni Faustino Dy Sr., na naging gobernador ng Isabela nang mahigit dalawang dekada. Simula noon, sunod-sunod na henerasyon ng kanilang pamilya ang humawak sa mahahalagang puwesto sa lokal at pambansang antas.

Ang kanilang malawak na network at matibay na political machinery ang dahilan kung bakit halos walang eleksiyon sa Isabela ang dumaraan nang hindi nangingibabaw ang apelyidong Dy. Para sa ilan, ito’y patunay ng kanilang pamana at karanasan sa pamumuno. Ngunit para naman sa mga kritiko, ito’y malinaw na larawan ng political dynasty na naglilimita sa kompetisyon at nagbubukas ng usapin tungkol sa representasyon at tunay na demokrasya sa lalawigan.

Ngayon, lalo pang lumawak ang impluwensiya ng pamilya matapos mahalal bilang bagong House Speaker si Cong. Faustino “Inno” Dy III, na nagmula rin sa kanilang angkan. Ang kanyang pagkakahalal ay simbolo hindi lamang ng tagumpay ng kanilang pamilya kundi ng patuloy na konsolidasyon ng kapangyarihan ng mga Dy mula Isabela hanggang sa pambansang entablado ng politika.

larawan/facebook