Matapos ang lindol,pagputok ng Taal: DILG pinaghahanda ang taumbayan sa bagyong 'Paolo'
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-01 07:25:15
MANILA — Nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang pangkaligtasan kaugnay ng isang low-pressure area (LPA) na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) at maaaring lumakas bilang tropical depression na tatawaging “Paolo.”
Ayon sa pinakahuling weather advisory, ang naturang LPA ay posibleng maging ika-16 na bagyo sa bansa ngayong taon. Inaasahang maaapektuhan nito ang mga lugar na hindi pa lubusang nakakabangon mula sa epekto ng mga nagdaang tropical cyclones MIRASOL, NANDO, at OPONG. Dahil dito, tumataas ang panganib ng pagbaha, landslide, at pag-apaw ng ilog sa mga komunidad na labis nang nabasa ng ulan.
Bukod sa banta ng LPA, inaasahan ding magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Easterlies sa Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Aurora, Pampanga, Bulacan, Zambales, Bataan, at Northern Samar.
Ang natitirang bahagi ng bansa ay makakaranas ng mga isolated rainshowers. Posible ang flash floods at landslides dulot ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Sa inilabas na advisory, hinikayat ng DILG ang mga local chief executives na makipag-ugnayan sa kani-kanilang Regional Disaster Risk Reduction and Management Councils (RDRRMCs) upang tiyakin ang kahandaan ng kanilang mga nasasakupan.
Kabilang sa mga inirekomendang hakbang ay ang pagsasagawa ng preemptive clean-up operations, paglilinis ng mga kanal, pagputol ng mga sanga ng puno, at paglalagay ng mga garbage truck at response personnel sa mga kritikal na lugar.
Pinayuhan din ang mga barangay officials na himukin ang komunidad sa paglilinis ng mga pampublikong lugar upang mabawasan ang panganib ng pagbaha. Bukod dito, dapat palakasin ng mga LGU ang public information campaigns sa pamamagitan ng lokal na media at community channels upang ipaalam sa mga residente, lalo na sa mga high-risk areas, ang kahalagahan ng paghahanda ng emergency kits, pagsiguro sa bahay, at pag-iwas sa hindi kinakailangang paglalakbay sa panahon ng masamang panahon.
Ang direktibang ito ay bahagi ng pagsuporta sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang matatag at maagap na Bagong Pilipinas na pinamumunuan ng epektibo at responsableng lokal na pamahalaan.