De Lima, nagngitngit sa pagbalewala ni VP Sara sa budget hearing ng Kamara
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-03 09:22:40
OKTUBRE 3, 2025 — Nagpahayag ng matinding pagkadismaya si Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima matapos hindi dumalo si Vice President Sara Duterte sa plenary deliberasyon ng Kamara para sa panukalang P902-milyong budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2026.
Sa kanyang talumpati noong Oktubre 2, binatikos ni De Lima ang Bise Presidente sa pagbalewala nito sa proseso ng pambansang budget, lalo na’t nagpakita ito kamakailan sa Senado upang makinig sa privilege speech ni Senador Francis “Chiz” Escudero.
“The whole budget process is something that is being directed and recognized by the Constitution itself. So disrespecting the budgetary process of this body is a clear case of disrespect of our Constitution,” giit ni De Lima.
(Ang buong proseso ng budget ay itinatakda at kinikilala ng Konstitusyon. Kaya ang pagbalewala sa prosesong ito ay malinaw na paglapastangan sa ating Konstitusyon.)
“Who is she to continuously disrespect or show disrespect to this body as an institution and to the Constitution?” tanong pa ng kongresista.
(Sino siya para paulit-ulit na bastusin ang institusyong ito at ang Konstitusyon?)
Binatikos din ni De Lima ang pagdalo ni Duterte sa Senado para pumalakpak sa dating Senate President, bagay na aniya’y wala sa mandato ng isang Bise Presidente.
“Enough is enough! Enough of her brattiness!” sigaw ni De Lima.
(Tama na! Sobra na ang kanyang kaartehan!)
Ayon kay Palawan Rep. Jose “Pepito” Alvarez, tumanggi si Duterte na dumalo sa Kamara dahil hindi natugunan ang kanyang mga kondisyon. Kabilang dito ang pagdalo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sariling budget hearing ng Office of the President, at ang dokumentong nagpapatunay na binawi na ng Department of Justice ang Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa pitong tauhan ng OVP na iniimbestigahan sa paggamit ng P625 milyong confidential funds noong 2022 at 2023.
“We will no longer respond to this letter, today being the last day [of House plenary deliberations],” pahayag ni Alvarez.
(Hindi na namin tutugunan ang liham na ito, ngayong huling araw ng deliberasyon sa Kamara.)
Walang kinatawan mula sa OVP ang dumalo sa sesyon. Dahil dito, walang mambabatas ang nakapagtanong tungkol sa budget ng OVP, at sa halip ay naghayag ng pagkadismaya ang ilang miyembro ng Kamara.
“Now is not the time for conditions. What the people need is transparency and acceptable explanation. We deserve better,” ani House Majority Leader Mannix D. Co.
(Hindi ito panahon ng kondisyon. Ang kailangan ng taumbayan ay malinaw at katanggap-tanggap na paliwanag. Karapat-dapat tayong makatanggap ng higit pa.)
(Larawan: Philippine News Agency)