Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Dinaig pa niya si Alice Guo!’ Hontiveros, binulgar ang umano’y dayuhang impluwensya ng anak ni Joseph Sy

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-03 09:20:48 ‘Dinaig pa niya si Alice Guo!’ Hontiveros, binulgar ang umano’y dayuhang impluwensya ng anak ni Joseph Sy

OKTUBRE 3, 2025 — Binulgar ni Senador Risa Hontiveros ang umano’y kahina-hinalang pagkakakilanlan ng anak ni Joseph Sy, isang negosyanteng may koneksyon sa industriya ng pagmimina, na una nang inakusahan ng pamemeke ng dokumento upang magpanggap bilang Pilipino.

Sa kanyang privilege speech sa Senado, iginiit ni Hontiveros na ang anak ni Sy na si Johnson Cai Chen ay may dalawang passport — isang Chinese na may bisa hanggang 2031 sa pangalang Johnson Cai Chen, at isang Filipino na may bisa hanggang 2030 sa pangalang Johnson Chua Sy.

“Tingnan niyo po ito: may valid Chinese passport hanggang 2031 sa pangalan na Johnson Cai Chen, at may valid Filipino passport hanggang 2030 sa pangalan na Johnson Chua Sy,” ani Hontiveros. 

Bukod sa dalawang passport, binanggit din ng senadora na may dalawang birth certificate ang nasabing anak. Ang isa ay rehistrado noong 1995, kung saan nakasaad na ipinanganak siya sa Chinese General Hospital at parehong Chinese ang kanyang mga magulang — sina Chen Zhen Zhong at si Bao Han Cai. Ang ikalawa ay late registration noong 2014, kung saan nakasaad na ang ama ay si Joseph Cue Sy, isang Filipino, at ang ina ay si Pauline Cai Chua, isang Chinese citizen.

“Samakatuwid, this Johnson Cai Chen or Johnson Sy has two passports, isang Chinese at isang Filipino, and two birth certificates! Aba dinaig pa niya si Alice Guo!” ani Hontiveros. 

Nauna nang inaresto si Joseph Sy sa NAIA noong Agosto 21 matapos makatanggap ng tip ang Bureau of Immigration (BI) mula sa intelligence sources ukol sa umano’y paggamit niya ng pekeng dokumento. Bagamat pinalaya ng korte sa Taguig dahil sa kakulangan ng hurisdiksyon, nanindigan ang BI na may matibay silang ebidensya laban kay Sy, kabilang ang biometric records.

Ayon pa kay Hontiveros, may natanggap siyang impormasyon mula sa mga intelligence source na si Sy ay sangkot sa tinatawag na malign influence and foreign interference (MIFI) — mga aktibidad na layong guluhin o kontrolin ang mga polisiya ng bansa para sa interes ng banyagang pamahalaan.

“We are now seeing widespread evidence of Chinese sleeper cells in the country,” babala ni Hontiveros. 

(Nakikita na natin ang malawakang ebidensya ng mga Chinese sleeper cell sa bansa.)

Tinanggal na ng Philippine Coast Guard Auxiliary si Sy sa kanilang listahan matapos lumutang ang isyu ng kanyang citizenship. Patuloy namang hinihingi ng media ang panig ni Sy sa mga bagong alegasyon.

(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)