Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Mas kailangan si VP ng mga biktima ng lindol sa Cebu’ — Depensa ni Barsaga sa hindi pagdalo sa budget hearing ng (OVP) sa Kamara

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-03 00:53:06 ‘Mas kailangan si VP ng mga biktima ng lindol sa Cebu’ — Depensa ni Barsaga sa hindi pagdalo sa budget hearing ng (OVP) sa Kamara

MANILA Dumipensa si Cavite Rep. Kiko Barzaga kay Vice President Sara Duterte matapos itong batikusin ni Rep. Leila de Lima sa hindi pagdalo sa budget hearing ng Office of the Vice President (OVP) sa Kamara.

Iginiit ni De Lima na malaking kawalan umano ng respeto sa Saligang Batas ang hindi pagharap ng Pangalawang Pangulo sa Kongreso, lalo na’t nakadalo naman umano ito sa pagdinig sa Senado. Para kay De Lima, mahalagang direktang humarap si Duterte sa mga kinatawan ng bayan upang sagutin ang mga tanong kaugnay ng 2026 national budget.

Ngunit ayon kay Barzaga, maliwanag na mas pinili ni VP Sara na unahin ang pagtulong sa mga nasalanta ng lindol sa Cebu kaysa dumalo sa deliberasyon. Para sa kanya, mas mahalaga sa kasalukuyan ang pagresponde sa kagyat na pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.

“With all due respect, while I agree that the budget deliberation is very urgent, Vice President Duterte went to help the victims of the recent earthquakes. The victims of calamity need assistance, the 2026 budget can wait,” pahayag ni Barzaga.

Dagdag pa ng kongresista, hindi maikakaila na mahalaga ang usapin ng pambansang budget, ngunit sa panahon ng trahedya, nararapat lamang na ang mga lider ay naroon mismo upang ipadama ang malasakit at maghatid ng tulong.

Ang isyung ito ay nagdulot ng masiglang talakayan sa Kamara at publiko, kung alin ang dapat bigyang prayoridad ng mga lider ng bansa: ang proseso ng deliberasyon o ang agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan. (Larawan: Kiko Barzaga / Facebook)