Diskurso PH
Translate the website into your language:

Ex-DPWH engineer Baleros arestado sa ₱450M flood control scam

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-04 10:54:28 Ex-DPWH engineer Baleros arestado sa ₱450M flood control scam

MANILA — Inaresto ng mga awtoridad si Isabelo Baleros, dating district engineer ng Las Piñas–Muntinlupa District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH), dahil sa multiple counts ng estafa kaugnay ng umano’y maanomalyang paggamit ng pondo para sa flood control projects na nagkakahalaga ng ₱450 milyon.

Ayon sa opisina ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos, si Baleros ay dinakip sa loob ng DPWH office sa Port Area, Manila noong Setyembre 30, base sa warrant of arrest na inilabas ni Judge Tammy Ann Reyes Mendillo ng Manila Regional Trial Court Branch 22, sa ilalim ng Criminal Case No. R-MNL-25-07000-CR.

Nauna nang iniugnay ni Santos si Baleros sa mga kahina-hinalang transaksyon, kabilang ang paglipat ng pondo mula sa Las Piñas patungong DPWH National Capital Region office nang walang konsultasyon sa mga lokal na opisyal. “This is the tip of the iceberg. If DPWH really wants to prove it is serious about reforms, they must not only fire but also jail these officials,” ani Santos. “The ₱450 million stolen from Las Piñas is not just a number — it’s the people’s hard-earned money. We will not let this go unanswered”.

Bukod kay Baleros, tinutugis pa rin ang kanyang mga co-accused na sina Ferdinand Villar, Dennis Aguilar, at Tony Espi, na ayon sa MPD ay nananatiling at large. Iniimbestigahan din kung may kaugnayan si Villar sa mga dating senador na sina Manny at Cynthia Villar, at kung si Aguilar ay dating konsehal ng Las Piñas.

Si Baleros ay pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa ng ₱48,000, ngunit nananatili ang imbestigasyon ng DPWH at ng Office of the Ombudsman. Kasalukuyang nakabinbin din ang show cause order laban sa kanya at siyam pang engineer kaugnay ng mga alegasyon ng “lavish lifestyles” at substandard projects.