Diskurso PH
Translate the website into your language:

₱7K cash aid ipamimigay sa 1M rice farmers sa 2026, ayon kay Speaker Dy

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-06 14:42:26 ₱7K cash aid ipamimigay sa 1M rice farmers sa 2026, ayon kay Speaker Dy

MANILA — Inanunsyo ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na isang milyong rice farmers sa buong bansa ang makatatanggap ng ₱7,000 cash aid bawat isa sa susunod na taon, bilang bahagi ng proposed ₱6.7 trilyong national budget para sa 2026.

Ginawa ni Dy ang pahayag sa joint hearing ng House Committee on Agriculture and Food at Committee on Ways and Means noong Oktubre 6, kung saan tinalakay ang mga hakbang upang tugunan ang patuloy na pagbagsak ng presyo ng palay. “Aid is ensured for our farmers. The ₱7,000 cash aid will be given to them to address their losses due to low farmgate prices of palay,” ani Dy.

Ayon sa Speaker, ang ayuda ay bahagi ng mas malawak na programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang suportahan ang sektor ng agrikultura. Sinabi rin ni Dy na ang hakbang ay komplementaryo sa Executive Order No. 93, na pansamantalang suspindido ang rice importation upang maprotektahan ang lokal na produksyon.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Dy ang kalagayan ng mga magsasaka sa kanyang lalawigan sa Isabela, kung saan ang bentahan ng palay ay bumagsak sa ₱8 kada kilo, malayo sa ₱16–₱18 na kinakailangan upang mabawi ang gastos sa produksyon. “Kapag palugi ang benta ng palay, hindi lang kabuhayan ng magsasaka ang nanganganib kundi pati ang seguridad sa pagkain ng buong bansa,” babala niya.

Bukod sa cash aid, hiniling din ni Dy sa Pangulo na ibigay na rin sa cash form ang lahat ng subsidiya mula sa Department of Agriculture, kabilang ang seed subsidy, upang mas direktang makinabang ang mga magsasaka. “Ipinakiusap din natin sa Pangulo na ang lahat ng uri ng subsidiya mula sa Department of Agriculture, tulad ng seed subsidy, ay ibigay na rin ng cash upang mas madali at mas direkta itong mapakinabangan ng ating mga magsasaka,” dagdag niya.

Isinusulong din ni Dy ang pagpasa ng panukalang Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act, na layong palakasin ang National Food Authority (NFA) at itaas ang rice import tariffs mula 15% tungo sa 35%. “Isa sa mga pangunahing prayoridad na ating isinusulong sa LEDAC ay ang [RICE Act], upang mapatatag ang NFA, mapangalagaan ang kabuhayan ng ating mga magsasaka, at mapanatiling abot-kaya ang bigas para sa bawat Pilipino,” ani Dy.

Ang cash aid ay inaasahang ipamamahagi sa unang quarter ng 2026, sa sandaling maaprubahan ang pambansang budget.