Diskurso PH
Translate the website into your language:

DOLE naglabas ng work stoppage order sa BPO firm sa Cebu dahil sa kakulangan sa kaligtasan

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-06 17:14:15 DOLE naglabas ng work stoppage order sa BPO firm sa Cebu dahil sa kakulangan sa kaligtasan

Cebu City — Inutusan ng Department of Labor and Employment sa Central Visayas (DOLE-7) ang isang business process outsourcing (BPO) firm sa Cebu na pansamantalang itigil ang operasyon matapos matuklasan ang seryosong paglabag sa mga patakaran sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho.


Ayon sa DOLE-7, ipinataw ang work stoppage order matapos ang isinagawang inspeksyon kung saan natuklasang walang maayos na Emergency and Disaster Preparedness and Response Plan ang kompanya, kakulangan sa Hazard Identification, Risk Assessment and Control (HIRAC), at hindi maayos na operasyon ng Safety and Health Committee.


Bukod dito, nadiskubre rin ng mga labor inspector na may ginagawang fit-out construction sa isa sa mga palapag ng gusali ngunit walang kaukulang Construction Safety and Health Program, na isa ring paglabag sa Occupational Safety and Health (OSH) standards.


Ang kautusan ng DOLE ay kasunod ng reklamo mula sa BPO Industry Employees Network (BIEN) matapos ang magnitude 6.9 na lindol sa Cebu noong Setyembre 30, kung saan ilang empleyado umano ang pinilit umanong manatili sa trabaho sa kabila ng panganib.


Ipinaliwanag ng DOLE na mananatiling suspendido ang operasyon ng kompanya hanggang sa maitama nito ang mga natukoy na paglabag. Maaaring multahan ng hanggang ₱100,000 kada araw ang sinumang employer na bigong sumunod sa kautusan, alinsunod sa Department Order No. 252, Series of 2025.


Dagdag pa ng ahensya, dapat tiyakin ng mga kumpanya ang kaligtasan ng kanilang mga manggagawa, lalo na sa mga sitwasyong may banta sa buhay at kalusugan. Paalala ng DOLE, may karapatan ang mga empleyado na tumanggi sa trabaho kung may malinaw na panganib sa lugar ng kanilang pinagtatrabahuhan.


Sa kasalukuyan, nakatakda ang DOLE-7 na magsagawa ng follow-up inspection upang tiyakin kung naipatupad na ng naturang BPO firm ang mga kinakailangang hakbang bago payagang muling magbukas ang kanilang operasyon.