Ika-7 sunod na linggo ng dagdag-presyo: krudo, muling tataas ng hanggang ₱0.80/litro
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-06 17:16:36
OKTUBRE 6, 2025 — Muling magtataas ng presyo ang mga produktong petrolyo sa Martes, Oktubre 7 — marka ng ikapitong sunod-sunod na linggo ng dagdag-presyo sa diesel at kerosene.
Ayon sa magkakahiwalay na abiso ng Shell, Seaoil, Cleanfuel, Petrogazz, at Caltex, tataas ng ₱0.80 kada litro ang diesel habang ₱0.20 naman ang dagdag sa gasolina at kerosene. Epektibo ang bagong presyo simula alas-6 ng umaga, maliban sa Caltex na magpapatupad ng dagdag-presyo pagsapit ng alas-6:01.
Ang panibagong taas-presyo ay bunsod ng patuloy na paggalaw ng pandaigdigang merkado, kabilang ang pagbabawal ng Russia sa pag-export ng langis at mga bagong parusa ng Estados Unidos sa mga kumpanyang konektado sa programang nukleyar ng Iran.
Sa panig ng Department of Energy (DOE), inamin nitong inaasahan na ang magkahalong galaw ng presyo dahil sa anunsyo ng OPEC+ — na kinabibilangan ng Russia — na magdadagdag ng produksyon ng langis sa Nobyembre.
Noong nakaraang linggo, tumaas ng ₱0.90 kada litro ang diesel at kerosene habang bumaba ng ₱0.20 ang gasolina.
Batay sa price monitoring ng DOE mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 6, narito ang kasalukuyang presyo sa Metro Manila:
- Gasolina (RON97/100): ₱63.36
- Gasolina (RON95): ₱57.00
- Gasolina (RON91): ₱53.80
- Diesel: ₱57.80
- Diesel Plus: ₱59.00
- Kerosene: ₱77.11
Sa kabuuan, umabot na sa ₱17.85 kada litro ang total increase ng diesel ngayong taon — pinakamataas sa 2025. Ang kerosene ay may kabuuang dagdag na ₱5.65, habang ang gasolina ay nasa ₱14.90 kada litro.
(Larawan: Philippine News Agency)