Diskurso PH
Translate the website into your language:

Jinggoy kakasuhan ng perjury si ex-DPWH engineer Brice Hernandez

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-06 14:42:27 Jinggoy kakasuhan ng perjury si ex-DPWH engineer Brice Hernandez

MANILA — Inanunsyo ni Senador Jinggoy Estrada na maghahain siya ng perjury complaint laban kay Brice Hernandez, dating assistant district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan, kaugnay ng umano’y maling paratang na sangkot siya sa mga anomalya sa flood control projects.

Ayon sa media advisory mula sa opisina ng senador, nakatakdang ihain ang reklamo sa Quezon City Office of the City Prosecutor sa Martes, Oktubre 7. “Yes, sa sampahan ko ng kaso ‘yan. I have to talk to my lawyers,” pahayag ni Estrada. “Nagalit talaga ako. Talagang napamura ako. Napakasinungaling nitong taong 'to. Because first of all, hinding hindi ko siya kilala, and I have never met that guy.”

Matatandaang sa isang pagdinig ng House Infrastructure Committee noong Setyembre, isinangkot ni Hernandez si Estrada sa umano’y pagdirekta ng ₱355 milyon na infrastructure deals sa Bulacan. Mariin itong itinanggi ng senador at iginiit na wala siyang kaugnayan kay Hernandez.

Si Hernandez ay kasalukuyang nasa ilalim ng “provisional acceptance” sa Witness Protection Program ng Department of Justice (DOJ), ngunit hindi pa itinuturing na state witness. Ayon sa DOJ, nagbigay si Hernandez ng impormasyon mula sa kanyang computer, na aniya’y naglalaman ng mga pangalan ng mga mambabatas — hindi mga senador — na posibleng sangkot sa mga anomalya.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mahigit 200 indibidwal ang iniimbestigahan sa buong bansa kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects.

Patuloy ang pagbusisi ng Senado at ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) sa mga ebidensyang isinumite ni Hernandez, kabilang ang mga dokumento at computer files na pansamantalang naka-seal upang mapanatili ang chain of custody.