Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mahigit 100 sinkholes natuklasan sa San Remigio, Cebu

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-06 14:55:46 Mahigit 100 sinkholes natuklasan sa San Remigio, Cebu

CEBU — Nagbabala ang mga lokal na opisyal at ahensyang teknikal matapos matuklasan ang higit 100 sinkholes sa bayan ng San Remigio, hilagang bahagi ng Cebu, kasunod ng magnitude 6.9 na lindol noong Setyembre 30. Ayon kay Mayor Mariano Martinez, ang mga sinkhole ay lumitaw sa iba’t ibang barangay, kabilang ang Sitio Sansan sa Barangay Maño at mga lugar malapit sa Poblacion.

“Actually few weeks ago niari ang Phivolcs, ni briefing sila namo, and according to their assessment, that we have over a hundred sinkholes diri sa among lungsod. I don’t know why, I was even surprised nga kadaghan ba,” pahayag ni Martinez sa panayam ng CDN Digital. “But karon, after the earthquake, we discovered them. Daghan ni pop up sa among lungsod. I’m positive naa pay daghan nga wala pa makit-e,” dagdag niya.

Ayon sa Mines and Geosciences Bureau Region VII (MGB-7), naglabas sila ng Subsidence Threat Advisory para sa mga bayan ng San Remigio, Bogo City, Medellin, Daanbantayan, at Tabogon, dahil sa kumpirmadong sinkholes at land depressions sa ilang barangay. “The recent seismic activity has destabilized ground conditions, resulting in the formation of sinkholes in certain affected areas,” ayon sa advisory.

Ipinaliwanag ni Science Secretary Renato Solidum Jr. na natural ang paglitaw ng sinkholes sa Cebu dahil sa limestone composition ng lupa. “Most of the places in Cebu are made of limestone, so it’s expected that there could be sinkholes,” ani Solidum sa DZRH. Dagdag pa niya, ang limestone ay madaling matunaw kapag nadaanan ng tubig, kaya’t nagkakaroon ng mga butas sa ilalim ng lupa na maaaring bumigay sa panahon ng lindol.

Dahil sa patuloy na aftershocks, higit isang libong residente ang pansamantalang naninirahan sa mga open field sa halip na evacuation centers. “Before naa man gyud mi evacuation centers like covered courts, pero karon nobody wants to go into buildings kay kuyawan man… There are people in tents in our open field,” ani Martinez. Plano ng lokal na pamahalaan na magtayo ng tent city sa tulong ng national government.

Nagbabala ang MGB-7 na hindi dapat basta-basta takpan o i-backfill ang mga sinkhole nang walang teknikal na pagsusuri, lalo na sa mga lugar na may underground waterways. Inirerekomenda rin ang geotechnical studies upang matukoy ang lawak ng panganib at gabayan ang mga plano sa relokasyon at engineering interventions.

Larawan mula kay GM Lanozo