Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mauban Mayor Erwin Pastrana, pumalag sa kasong ‘Grave Abuse of Authority at Graft’

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-06 22:36:11 Mauban Mayor Erwin Pastrana, pumalag sa kasong ‘Grave Abuse of Authority at Graft’

MAUBAN, QUEZON — Mariing itinanggi ni Mayor Erwin Pastrana ng Mauban, Quezon ang mga akusasyong isinampa laban sa kanya kaugnay ng umano’y grave abuse of authority at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, matapos silang kasuhan kasama ang ilang opisyal ng lokal na pamahalaan.

Kabilang sa mga kinasuhan sina Vice Mayor Alween Sardea at ilang miyembro ng Sangguniang Bayan na sina Nathaniel Calucin, Abelardo Mandrique, Michael Diasanta, Raquel Almacen, Yolanda Santayana, Juan Lorenzo Pastrana, Edgardo Astoveza, Liza Mandrique, Julieto Espinas, at Marlon Luna.
Ayon sa reklamo, sinuspinde umano ng mga ito ang 19 na punong barangay nang hindi dumaraan sa tamang proseso.

Sa inilabas na pahayag, iginiit ni Mayor Pastrana na wala siyang kinalaman sa pagpapataw ng suspensyon at iginiit na ang desisyon ay ginawa ng Sangguniang Bayan alinsunod sa kanilang mandato.

“Ang nasabing desisyong pagsuspinde ay produkto ng malayang pagpapasya ng ating SB. Bilang Ama ng Bayan, iginagalang ko ang saklaw na kapangyarihan ng SB at hindi ako nanghihimasok sa mga bagay na kanila lamang dapat pasyahan,” ani Pastrana.

Dagdag pa ng alkalde, nakahanda siyang ipagtanggol ang sarili at ang kanyang bayan laban sa mga maling akusasyon.

“Ako’y laging nakahanda upang ipagtanggol ang karapatan ng ating bayan laban sa paninira. Patuloy nating ipagpapatuloy ang tapat at makabuluhang paglilingkod sa mga Maubanin,” pahayag ni Pastrana.

Binigyang-diin din ng mayor na mas makabubuting ituon ng mga opisyal ang kanilang oras sa tunay na serbisyo publiko kaysa sa “ingay na walang saysay.”

“Ang ating bayan ay higit nangangailangan ng mga gawa at solusyon, hindi ng mga akusasyong para lamang sa pansariling interes,” dagdag pa niya.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga kinauukulang ahensya ang reklamo upang malaman kung may batayan ang mga paratang laban sa mga opisyal ng Mauban. (Larawan: Mayor Erwin Pastrana)