Diskurso PH
Translate the website into your language:

Panukalang ‘snap elections’ ni Cayetano, binasura ng Palasyo — ‘wishful thinking’ lang

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-07 09:35:29 Panukalang ‘snap elections’ ni Cayetano, binasura ng Palasyo — ‘wishful thinking’ lang

OKTUBRE 6, 2025 — Hindi sineryoso ng Malacañang ang mungkahing snap election ni Senador Alan Peter Cayetano, na nagpanukala ng sabay-sabay na pagbibitiw ng mga halal na opisyal upang bigyang-daan ang bagong halalan. Ayon sa Palasyo, walang batayan sa batas ang naturang hakbang at hindi ito prayoridad ng administrasyon.

“It is just his wishful thinking. We do not have time to talk about one’s personal desires,” pahayag ni Press Officer Claire Castro sa mga mamamahayag. 

(Ito’y kanyang personal na pantasya. Wala tayong oras para pag-usapan ang pansariling kagustuhan.)

Giit ni Castro, abala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtugon sa mga kalamidad gaya ng lindol sa Cebu at mga bagyong tumama sa bansa. Aniya, hindi dapat sayangin ang oras sa pamumulitika.

“Wala po siyang oras sa mga ganitong klaseng pamumulitika. Mag-focus po tayong lahat sa pangangailangan ng mamamayan, hindi sa mga pansariling interes lang,” dagdag ni Castro.

Nag-ugat ang panukala ni Cayetano sa mga alegasyon ng katiwalian sa flood control projects, kung saan ilang mambabatas at opisyal ng gobyerno ang nadawit. Kabilang sa mga nagbitiw ay si dating House Speaker Martin Romualdez at si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Cayetano: “What if we all just resign and allow a snap election for the president, vice president, Senate, and Congress, with one important addition — no incumbent from the above can run for one election cycle?”

(“Paano kung sabay-sabay tayong magbitiw at magdaos ng snap election para sa pangulo, bise presidente, Senado, at Kongreso, na may mahalagang kondisyon—walang incumbent ang maaaring tumakbo sa susunod na halalan?”)

Dagdag pa niya, “If we truly serve them, then starting over shouldn’t scare us. Because real change starts with radical honesty — and the courage to admit when it’s time to step aside.” 

(Kung tunay tayong naglilingkod, hindi dapat ikatakot ang magsimula muli. Dahil ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa matinding katapatan — at sa tapang na aminin kung kailan dapat umatras.)

(Larawan: Philippine News Agency)