PHIVOLCS: ‘The Big One’ posibleng ma-trigger ang pagputok Bulkang Taal
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-06 14:55:47
MANILA — Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na ang inaasahang “The Big One” — isang magnitude 7.2 na lindol sa Metro Manila — ay posibleng magpasabog sa Bulkang Taal sa Batangas, ayon sa pahayag ni PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol.
Sa isang forum sa Quezon City noong Oktubre 5, sinabi ni Bacolcol na ang malakas na paggalaw ng Marikina Valley Fault System, na siyang pinagmumulan ng “The Big One,” ay maaaring magdulot ng pagkagambala sa mga kalapit na bulkan, kabilang ang Taal. “The Big One could also trigger the eruption of Taal Volcano in Batangas,” ani Bacolcol. “It might be similar to the major eruption of Taal in 2020.”
Ang Marikina Valley Fault ay umaabot mula Doña Remedios Trinidad sa Bulacan hanggang Canlubang sa Laguna, at dumadaan sa mga mataong lugar tulad ng Quezon City, Marikina, Pasig, Taguig, at Muntinlupa. Ayon sa PHIVOLCS, ang fault ay gumagalaw kada 400 hanggang 600 taon, at posibleng gumalaw muli sa loob ng ating henerasyon.
Batay sa 2004 study na muling binubusisi ng PHIVOLCS at Japan International Cooperation Agency (JICA), tinatayang 33,500 katao ang maaaring mamatay sa Metro Manila sa mismong lindol, at 48,000 kung isasama ang mga kalapit na probinsya. Mahigit 113,000 ang posibleng masugatan, at 168,000 gusali ang maaaring masira o gumuho.
Samantala, nananatiling nasa Alert Level 1 ang Bulkang Taal matapos ang maikling pagsabog noong Oktubre 1, kung saan naglabas ito ng 2,500 metrong plume at nagdulot ng volcanic earthquakes at sulfur dioxide emissions na umabot sa 563 tonelada kada araw.
Nagpaalala si Bacolcol na ang pagsabog ng bulkan ay maaaring ma-trigger ng malalakas na lindol, lalo na kung may pressure buildup sa ilalim ng lupa. “Even if you didn’t map the fault there, if you consider the building code… as long as you follow the design, the materials and the workmanship, then you’re ensuring that most likely the building will not collapse,” dagdag niya.
Pinayuhan ng PHIVOLCS ang publiko na maging handa, sundin ang mga building code, at iwasan ang Taal Volcano Island, na itinuturing na permanent danger zone.