Tulak ng Shabu, arestado sa Infanta
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-06 21:35:33
INFANTA, QUEZON — Isang lalaki ang naaresto ng mga tauhan ng Infanta Municipal Police Station (MPS) matapos mahuli sa aktong pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot sa isinagawang buy-bust operation ng Drug Enforcement Team nitong Oktubre 3, 2025 bandang alas-11:00 ng gabi sa Purok Matiyaga, Brgy. Agos-Agos, Infanta, Quezon.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang operatiba na tumayong poseur buyer ay matagumpay na nakabili mula sa suspek ng isang (1) pirasong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting kristal na substansiya na pinaniniwalaang shabu.
Sa masusing paghalughog, narekober pa mula sa pagmamay-ari ng suspek ang tatlong (3) karagdagang sachet ng hinihinalang shabu, isang (1) ₱500 bill, at isang (1) coin purse na kulay itim. Tinatayang tumitimbang ng 0.60 gramo ang kabuuang droga na may halagang ₱4,080.00 batay sa standard drug price (SDP).
Ang operasyon ay isinagawa sa ilalim ng direktiba ni PMAJ Fernando L. Credo, Acting Chief of Police, at sumentro sa patuloy na kampanya ng Infanta MPS laban sa iligal na droga. Ang nasabing operasyon ay saksi at nasaksihan ng Barangay Councilor ng nasabing lugar at idinokumento gamit ang Alternative Recording Device (ARD).
Dinala ang suspek sa kustodiya ng Infanta MPS at nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Seksyon 5 at 11, Artikulo II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Larawan: Infanta MPS / Facebook)