Diskurso PH
Translate the website into your language:

Romualdez, sisipot sa imbestigasyon ng ICI

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-08 18:10:49 Romualdez, sisipot sa imbestigasyon ng ICI

OKTUBRE 8, 2025 — Kumpirmado ang pagdalo ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez sa pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects.

Ayon sa kanyang opisina, tinanggap na ni Romualdez ang imbitasyon ng ICI para sa Oktubre 14 hearing sa Taguig City, alas-10 ng umaga. Layunin ng komisyon na siyasatin ang mga “ghost” o substandard na proyekto, pati na ang proseso ng paglalabas ng mga hindi nakaprogramang pondo.

Sa liham na pirmado ni ICI Chair Andres Reyes, hinihiling kay Romualdez na ibahagi ang kanyang kaalaman bilang dating Speaker ng Kamara, lalo na sa mga isiningit sa pambansang budget at mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na may kaugnayan sa flood control.

“Rep. Romualdez welcomes the opportunity to cooperate with the Commission and fully supports its objective of promoting transparency, accountability, and good governance,” pahayag ng tanggapan ni Romualdez.

(Malugod na tinatanggap ni Rep. Romualdez ang pagkakataong makipagtulungan sa Komisyon at lubos na sinusuportahan ang layunin nitong isulong ang transparency, pananagutan, at mabuting pamamahala.)

Kasabay ng imbitasyon kay Romualdez, ipinadala rin ng ICI ang subpoena para kay dating Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co. Pareho silang isinama sa request ng ICI sa Department of Justice para sa immigration lookout bulletin order (ILBO).

Matatandaang bumitiw si Romualdez bilang Speaker noong Setyembre 17 upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa mga alegasyong may kinalaman siya sa flood control projects.

Bagamat walang direktang koneksyon si Romualdez sa mga kumpanyang sangkot sa mga proyekto, isa siya sa mga mambabatas na pinangalanan ng contractor-couple na sina Pacifico “Curlee” Discaya at Cezarah “Sarah” Discaya na umano’y tumanggap ng kickback.

Mariin itong pinabulaanan ni Romualdez: “false, malicious and nothing more than name-dropping” (mali, mapanira, at walang ibang layunin kundi ang magbanggit ng pangalan).

(Larawan: House of Representatives of the Philippines | Facebook)