Imee Marcos kinuwestyon ang appointment ni Remulla, nangangamba sa kaligtasan ni VP Sara
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-09 11:09:49
OKTUBRE 9, 2026 — Nagpahayag ng matinding pag-aalinlangan si Senadora Imee Marcos sa pagkakatalaga kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang bagong Ombudsman, kasabay ng pag-ugong ng mga espekulasyong may kaugnayan ito sa posibleng pag-usig kay Bise Presidente Sara Duterte.
“Bonget, is it really Boying? Are you sure? Are you still OK? I’ve been saying since last year that plan A, which is People’s Initiative, is a failure, as well as plan B, which is impeachment. The Ombudsman is the plan C,” ani Marcos.
(Bonget, si Boying ba talaga? Sigurado ka? Ayos ka pa ba? Matagal ko nang sinasabi na palpak ang plan A na People’s Initiative, pati plan B na impeachment. Ang Ombudsman ang plan C.)
Giit pa ng senadora, “Right now, all I can think about is the safety of VP Sara. I think what we need is a People’s Ombudsman — one who is credible, trustworthy, and one who is not an accomplice of anybody.”
(Sa ngayon, ang iniisip ko lang ay ang kaligtasan ni VP Sara. Ang kailangan natin ay isang Ombudsman ng bayan — yung may kredibilidad, mapagkakatiwalaan, at hindi kakutsaba ng kahit sino.)
Nag-ugat ang kontrobersiya sa ulat noong Agosto na nagsasabing may mga nakabinbing reklamo laban kay Remulla, kabilang ang mga kasong kriminal at administratibo kaugnay ng insidente noong Marso 11 kung saan inaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte — mga kasong isinampa ni Marcos.
Sa kabila ng paglilinaw ng Korte Suprema na wala pang pinal na shortlist noon, iginiit ni Marcos sa social media na itutulak pa rin ang appointment ni Remulla. Tinawag niya itong “forced appointment of a person who is unqualified, has pending cases, and is tainted with injustice.”
Samantala, bagama’t tinanggap ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang desisyon ng Pangulo bilang prerogatibo, pinuna niya ang prayoridad ni Remulla.
“With so many problems facing the country today, especially the problem on ghost flood control projects, why is his first order of the day already focused on VP Sara Duterte?” tanong niya.
(Sa dami ng problema ng bansa ngayon, lalo na ang mga ghost flood control projects, bakit si VP Sara agad ang inuuna?)
Hindi naman pinalampas ng Palasyo ang mga pahayag ni Marcos.
Ayon kay Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, “Bakit po ba natatakot si Senator Imee Marcos sa ganitong mga klase ng mga pag-iisip? Kung wala naman pong naging kasalanan ang mga Duterte, hindi po siya dapat maging spokesperson ng mga Duterte.”
Itinalaga si Remulla bilang Ombudsman isang araw matapos ilabas ng Judicial and Bar Council ang shortlist. Depensa ng Malacañang, dumaan umano si Remulla sa masusing proseso ng pagpili.
(Larawan: Senate of the Philippines| Facebook)