Diskurso PH
Translate the website into your language:

DPWH Usec. Arrey Pereze nagbitiw matapos ma-link sa flood control anomaly

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-17 16:50:27 DPWH Usec. Arrey Pereze nagbitiw matapos ma-link sa flood control anomaly

MANILA — Nagbitiw sa puwesto si Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Arrey Perez matapos maiugnay sa mga contractor na sangkot umano sa mga iregularidad sa flood control projects ng ahensiya.

Kinumpirma ni DPWH Secretary Vince Dizon ang pagbibitiw ni Perez sa isang press conference nitong Biyernes. “So as of today, Usec. Perez is no longer part of the DPWH. He voluntarily resigned, and we respect his decision,” ani Dizon. Dagdag pa niya, “But of course, the investigation will still continue.”

Ayon kay Dizon, isinumite ni Perez ang kanyang irrevocable resignation upang bigyang-daan ang imbestigasyon at maiwasan ang pagiging “distraction” sa operasyon ng kagawaran. “Siya mismo ay nagkusa at nirerespeto natin ang decision niya, pero siyempre yung imbestigasyon, tuloy pa rin,” dagdag ng kalihim.

Ang pagbibitiw ni Perez ay kasunod ng pahayag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na may ilang opisyal ng DPWH na umano’y may koneksyon sa mga contractor. Bagama’t hindi pinangalanan ni Leviste ang mga opisyal, nanawagan siya ng transparency mula sa pamunuan ng DPWH.

Tiniyak ni Dizon na walang sinuman ang sasantuhin sa isinasagawang “cleansing process” sa ahensiya. “The cleansing process will spare no one and show no favoritism, whether they’re new or old, politically connected or not,” aniya.

Patuloy ang imbestigasyon ng DPWH at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa mahigit 400 ghost flood control projects na nadiskubre sa iba’t ibang bahagi ng bansa