Babaeng Brazilian, arestado sa NAIA dahil sa ₱10M liquid cocaine
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-26 21:43:53
MANILA — Arestado ang isang 32-anyos na babaeng Brazilian matapos mahulihan ng mahigit ₱10 milyon halaga ng hinihinalang liquid cocaine sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, Sabado ng gabi.
Kinilala ang suspek bilang si Elysa, isang may-asawang negosyante mula sa Chapadinha, Maranhao, Brazil. Ayon sa NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), natagpuan sa kanyang itim na bra na may tatak na “DelRio” ang sampung knot-tied transparent latex packets na naglalaman ng dilaw na likidong pinaniniwalaang cocaine.
Bukod sa ipinagbabawal na droga, nakumpiska rin mula sa suspek ang kanyang Brazilian passport, boarding documents, mga bank card, dayuhang pera, cellphone, at iba pang personal na gamit.
Ang operasyon ay pinangunahan ng mga kasapi ng PDEA, Bureau of Customs, PNP Aviation Security Group, Airport Police, PNP Drug Enforcement Group, NBI, at Bureau of Immigration.
Nahaharap si Elysa sa paglabag sa Section 4 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may katapat na parusang habambuhay na pagkakabilanggo at multang ₱500,000 hanggang ₱10 milyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang suspek habang isinasailalim sa pagsusuri ng PDEA Laboratory Service ang nakumpiskang likido.
(Larawan: Google)
