Diskurso PH
Translate the website into your language:

Remulla, na-diagnose ng leukemia noong 2023 habang nagpapagaling sa bypass surgery

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-26 10:32:12 Remulla, na-diagnose ng leukemia noong 2023 habang nagpapagaling sa bypass surgery

OKTUBRE 26, 2025 — Sa unang pagkakataon, inamin ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na na-diagnose siya ng leukemia noong 2023, kasunod ng kanyang quintuple bypass surgery habang nanunungkulan pa bilang kalihim ng Department of Justice.

Sa panayam ni Luchi Cruz-Valdez sa “Usapang Real,” isiniwalat ni Remulla ang serye ng malulubhang problemang pangkalusugan na kanyang hinarap. 

“In 2023, I was diagnosed with a heart condition that required bypass surgery. I had surgery, I had a quintuple bypass, and when I was recovering, I was diagnosed with cancer — leukemia, a cancer of the blood,” aniya. 

(Noong 2023, na-diagnose ako ng kondisyon sa puso na kinailangang operahan. Sumailalim ako sa quintuple bypass, at habang nagpapagaling, na-diagnose ako ng cancer — leukemia, cancer ng dugo.)

Ang quintuple bypass ay isang komplikadong operasyon para maibsan ang bara sa limang pangunahing ugat na nagdadala ng dugo sa puso. Ngunit sa gitna ng kanyang pagbangon, isang mas mabigat na laban ang dumating — ang pagkakaroon ng leukemia, isang uri ng kanser na sanhi ng abnormal na pagdami ng white blood cells.

Hindi agad isinapubliko ni Remulla ang kanyang kalagayan. Sa halip, tahimik siyang sumailalim sa dalawang cycle ng chemotherapy, total body radiation, at bone marrow transplant. Ang kanyang anak ang naging donor ng bone marrow na naging susi sa kanyang paggaling. 

“My blood now is not my old blood. It is blood from my son. We are a full match, that’s how I recovered and the prognosis looks good,” ani Remulla. 

(Hindi na dugo ko ang nasa katawan ko ngayon. Dugo ito ng anak ko. Magka-match kami, kaya ako gumaling at maganda ang prognosis.)

Matatandaang noong Hulyo 2023, pansamantalang nag-leave si Remulla sa DOJ ng sampung araw dahil sa “personal na dahilan.” Kalaunan ay inamin niyang sumailalim siya sa bypass surgery, ngunit ngayon lamang niya isiniwalat ang buong lawak ng kanyang pinagdaanan.

Sa ngayon, at sa kabila ng lahat, patuloy ang kanyang paninilbihan bilang Ombudsman, isang posisyong kanyang tinanggap noong Hulyo 2025.

(Larawan: Philippine News Agency)