Diskurso PH
Translate the website into your language:

Babala ng AGFO: military takeover vs korapsyon, posibleng magdulot ng malaking gulo gaya sa Myanmar

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-26 12:22:42 Babala ng AGFO: military takeover vs korapsyon, posibleng magdulot ng malaking gulo gaya sa Myanmar

OKTUBRE 26, 2025 — Nagbabala ang samahan ng mga retiradong heneral laban sa panawagang gamitin ang militar para pabagsakin ang gobyerno sa gitna ng mga alegasyon ng korapsyon sa mga proyektong pang-imprastruktura.

Sa isang pahayag, tinuligsa ng Association of General and Flag Officers (AGFO) ang mungkahing military junta o pag-atras ng suporta sa Pangulo, na anila’y magdudulot ng matinding pinsala sa bansa.

“Any extra-constitutional move, such as a military junta, would be a catastrophic betrayal of our democracy. It would betray the very democratic principles we spent our careers defending and invite devastating consequences,” ayon kay retired major general Gerardo Layug, pangulo ng AGFO. 

(Ang anumang hakbang na labag sa Konstitusyon, gaya ng military junta, ay isang kalunos-lunos na pagtataksil sa ating demokrasya. Tatalikuran nito ang mga prinsipyong demokratikong buong buhay naming ipinaglaban at magbubukas ng pinto sa matinding kapahamakan.)

Lumutang ang isyu matapos makipagpulong ang ilang retiradong opisyal ng militar kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. upang ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa umano’y katiwalian sa mga flood control projects. 

Ayon kay Brawner, hinimok siyang maglunsad ng kudeta o bawiin ang suporta ng AFP kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — isang mungkahing agad niyang tinanggihan.

Binigyang-diin ni Layug na hindi dapat gamitin ang militar bilang kasangkapan sa pulitika. 

“To exploit these legitimate public sentiments to advance a separate, unconstitutional agenda is a betrayal of the very people and the institutions we are sworn to protect,” aniya. 

(Ang pagsasamantala sa lehitimong damdamin ng publiko para isulong ang isang labag sa batas na agenda ay pagtataksil sa mismong taumbayan at mga institusyong dapat naming pinangangalagaan.)

Nagbabala rin si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na maaaring humantong sa kaguluhang gaya ng sa Myanmar ang anumang ilegal na pag-agaw sa kapangyarihan.

Giit ng AGFO, dapat idaan sa legal at demokratikong paraan ang panawagan para sa pananagutan.

(Larawan: AGFO)