Korte Suprema, tuluyan nang tinapos ang handwritten bar exams
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-26 21:24:54
MANILA — Isa na namang makasaysayang pagbabago ang ipatutupad ng Korte Suprema matapos nitong kumpirmahin na hindi na isasagawa sa paraang handwritten ang Bar Examinations simula Nobyembre 3, 2025.
Ayon sa Korte Suprema, ang Amended Rule 138 ng Rules of Court ay resulta ng malalim na pagsusuri ng Subcommittee on the Admission to the Bar na pinamumunuan ni Associate Justice Ramon Paul Hernando. Sa ilalim ng bagong patakaran, gagamitin na ang “secure and reliable assessment platform” para sa pagsusulit — isang digital system na magtitiyak sa integridad at seguridad ng pagsusuri.
Magtatagal ng tatlong araw sa Setyembre 2026 ang susunod na bar exams at isasagawa sa mga piling testing centers sa bansa. Kabilang sa mga asignaturang sasagutin ng mga examinee ay ang Political at Public International Law, Commercial at Taxation Law, Civil Law, Labor Law, Criminal Law, at Remedial Law, kasama ang Legal Ethics at Practical Exercises.
Ayon sa Bar Bulletin No. 1 na inilabas noong Oktubre 16, itinakda ang pagsusulit sa Setyembre 6, 9, at 13, 2026. Layunin ng digitalization na gawing mas episyente, moderno, at patas ang proseso ng pagkuha ng bar exam sa Pilipinas. (Larawan: Supreme Court of the Philippines / Google)
