Diskurso PH
Translate the website into your language:

Panukalang batas para tax-free OT at hazard pay, umarangkada sa Kamara

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-03 08:29:56 Panukalang batas para tax-free OT at hazard pay, umarangkada sa Kamara

Nobyembre 3, 2025 - Isinusulong sa House of Representatives ang isang panukalang batas na naglalayong gawing tax-exempt ang overtime pay, night shift differential, at hazard pay ng mga manggagawa sa bansa. Layunin nitong maibsan ang pasanin ng mga empleyado na nagtatrabaho sa ilalim ng mahirap at delikadong kondisyon.

Sa ilalim ng House Bill No. 3783 na inihain ni 4Ps Party-list Rep. JC Abalos noong Agosto 18, 2025, hindi na isasama sa gross income para sa buwis ang mga naturang dagdag na kita, basta’t hindi lalampas sa P120,000 kada taon

“The principle of equity in taxation holds that taxpayers with equal ability to pay should bear equal tax burdens. However, overtime pay, night-shift differential, and hazard pay are compensations earned under extraordinary or strenuous circumstances. Subjecting them to the same tax treatment as regular income undermines this principle,” paliwanag ni Abalos sa explanatory note ng panukala.

Dagdag pa ni Abalos, “employees who render services beyond regular hours or under hazardous conditions face additional burdens that are not sufficiently acknowledged in the current tax regime.” Kung maisasabatas, babaguhin nito ang Section 32 ng National Internal Revenue Code upang isama ang exemption.

Samantala, may katulad ding layunin ang GINHAWA Bill ni Senator Sherwin Gatchalian sa Senado. Ayon sa kanya, “Sa hirap ng buhay ngayon, gusto nating pagaanin ang buhay hindi lang ng mga low-income earners kundi pati ng mga middle-income earners.” Layon ng GINHAWA Bill na gawing buwis-free ang overtime, holiday, hazard pay, night differentials, at service charges ng mga manggagawa, anuman ang antas ng kita.

Ang mga panukalang ito ay tugon sa lumalalang gastusin sa bansa at layong palakasin ang take-home pay ng mga Pilipino. Bukod sa mga mambabatas, ang Department of Finance (DOF) ay may hiwalay na mungkahi na itaas ang mga non-taxable benefits tulad ng rice subsidy, clothing allowance, at medical cash allowance para sa mga dependents.

Sa kasalukuyan, exempted lamang sa buwis ang mga benepisyo ng minimum wage earners, ngunit kapag lumampas sa minimum wage, nagiging taxable na ang overtime at iba pang dagdag na kita. Ang mga panukalang batas na ito ay naglalayong baguhin ang sistemang iyon upang mas maging patas at makatao ang pagbubuwis sa bansa.