Halos 9 sa 10 Pinoy, naniniwalang sistematiko ang katiwalian sa gobyerno
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-05 09:44:23
NOBYEMBRE 5, 2025 — Sa kabila ng mga pangakong reporma ng magkakasunod na administrasyon, nananatiling malalim ang ugat ng katiwalian sa bansa — ito ang malinaw na mensahe ng ikatlong quarter ng Pahayag 2025 survey ng Publicus Asia.
Ayon sa datos, 81% ng mga Pilipino ang naniniwalang mas lumala pa ang korapsyon mula nang ideklara ang batas militar 53 taon na ang nakalilipas. Consistent ang pananaw na ito sa iba’t ibang rehiyon, patunay na hindi ito isyu ng lugar kundi ng sistemang matagal nang kinakalawang.
Sa tanong kung sino ang dapat managot sa P1 trilyong realignment ng pondo mula 2023 hanggang 2025, 49% ang tumuro sa parehong Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa Kamara. Bukod pa rito, 24% ang nagsabing si Marcos lamang ang dapat managot, habang 11% ang sumisi sa Kongreso. Sa kabuuan, lumalabas na halos siyam sa bawat sampung Pilipino ang nakikitang parehong sangkot ang ehekutibo at lehislatura sa isyu ng maling paggamit ng pondo.
Bagamat may mga panawagan para sa pananagutan, 77% ng mga rehistradong botante ang umaming hindi sila lumahok sa anti-corruption rally noong Setyembre 21. Ayon sa mga mananaliksik, indikasyon ito ng “public resignation” o tila pagsuko ng publiko sa ideyang bahagi na ng sistema ang katiwalian.
Dagdag pa sa survey, 41% ng mga respondent ang gustong maibalik muna ang nakaw na yaman bago pa man magsampa ng kaso. Samantalang 26% ang naniniwalang dapat mag-leave of absence si Marcos kung siya’y iimbestigahan ng Independent Commission for Infrastructure.
“Public frustration is no longer just about corruption — it’s about the absence of consequences,” ayon sa political analyst na si Ramon Casiple.
(Hindi na lang ito tungkol sa katiwalian — kundi sa kawalan ng pananagutan.)
Habang lumalalim ang disgusto ng taumbayan, malinaw na hindi sapat ang mga pahayag ng pamahalaan. Ang hinihingi ng publiko: aksyon, hindi salita.
(Larawan: Presidential Communications Office)
