Palawan binabayo ng Signal No. 4 matapos ang ika-7 landfall ni Tino
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-05 08:20:54
PALAWAN — Itinaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 4 sa El Nido, Taytay, Araceli, at Calamian Islands matapos mag-landfall si Bagyong Tino (Kalmaegi) sa Batas Island, Taytay bandang 4:10 a.m. ngayong Miyerkules.
Ayon sa 5:00 a.m. cyclone bulletin ng PAGASA, nananatiling malakas ang bagyo habang tinatawid ang hilagang bahagi ng Palawan. Taglay nito ang maximum sustained winds na 120 km/h at gustiness na umaabot sa 165 km/h, habang kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 15 km/h.
Nagbabala ang PAGASA na ang mga lugar sa ilalim ng Signal No. 4 ay maaaring makaranas ng matinding pinsala mula sa hangin at ulan sa loob ng susunod na 12 oras. “A very intense typhoon will affect the locality,” ayon sa advisory ng ahensya.
Bukod sa Signal No. 4, itinaas din ang:
- Signal No. 3 sa Dumaran, San Vicente, Roxas, at Cuyo Islands
- Signal No. 2 sa Puerto Princesa City, Cagayancillo Islands, at ilang bahagi ng Mindoro at Caluya Islands
- Signal No. 1 sa natitirang bahagi ng Occidental Mindoro at mga kalapit na lugar.
Ito na ang ikapitong landfall ni Bagyong Tino sa loob ng 36 oras, matapos tumama sa Silago (Southern Leyte), Borbon (Cebu), Sagay City (Negros Occidental), Guimaras, Panay Island, at Busuanga bago tumama sa Taytay.
Patuloy ang monitoring ng PAGASA sa galaw ng bagyo, na inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility sa susunod na 24 hanggang 36 oras.
Larawan mula DOST-PAGASA
