Diskurso PH
Translate the website into your language:

18 lalawigan nanganganib malubog sa 200mm+ na ulan dahil kay ‘Uwan’

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-08 08:54:28 18 lalawigan nanganganib malubog sa 200mm+ na ulan dahil kay ‘Uwan’

MANILA — Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng makaranas ng mahigit 200 millimeters ng ulan ang 18 lalawigan sa Luzon mula Linggo ng gabi (Nobyembre 9) hanggang Lunes ng gabi (Nobyembre 10) dahil sa epekto ng Bagyong Uwan (international name: Fung-Wong).

Ayon sa Heavy Rainfall Outlook ng PAGASA na inilabas alas-11 ng gabi noong Nobyembre 7, ang mga lalawigang posibleng makaranas ng matinding pag-ulan ay ang mga sumusunod:

  • Aurora
  • Nueva Ecija
  • Cagayan
  • Isabela
  • Quirino
  • Nueva Vizcaya
  • Apayao
  • Kalinga
  • Abra
  • Mountain Province
  • Ifugao
  • Benguet
  • Ilocos Norte
  • Ilocos Sur
  • La Union
  • Zambales
  • Tarlac
  • Pangasinan

Ayon sa PAGASA, “Forecast rainfall may be higher in mountainous and elevated areas. Moreover, impacts in some areas may be worsened by significant antecedent rainfall.” Ibig sabihin, ang mga lugar na dati nang binaha o nabasa ay mas mataas ang posibilidad ng landslide at flash floods.

Bukod sa 18 lalawigan, ang mga lugar gaya ng Metro Manila, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, at Occidental Mindoro ay inaasahang makakaranas ng 100–200 mm ng ulan, habang ang Batanes, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Camarines Norte, Camarines Sur, Aklan, at Antique ay posibleng makaranas ng 50–100 mm ng ulan.

Inaasahan ding mag-landfall si Uwan sa pagitan ng southern Isabela at northern Aurora sa gabi ng Linggo o madaling araw ng Lunes. Sa kasalukuyan, si Uwan ay may maximum sustained winds na 130 km/h at gustiness na umaabot sa 160 km/h, kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 km/h.

Pinayuhan ng PAGASA ang mga lokal na pamahalaan at disaster response units na maghanda sa posibleng pagbaha, landslide, at storm surge, lalo na sa mga baybaying lugar at bulubunduking komunidad. Patuloy ang monitoring ng ahensya at inaasahang maglalabas ng mga updated warning sa mga susunod na oras.

Larawan mula DOST-PAGASA