5 dam nagpakawala ng tubig bago tumama si Uwan, ayon sa PAGASA
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-08 19:08:25
MANILA — Nagpakawala ng tubig ang limang pangunahing dam sa Luzon ngayong Sabado, Nobyembre 8, bilang bahagi ng preemptive measures upang maiwasan ang posibleng pagbaha dulot ng paparating na Bagyong Uwan, ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa PAGASA Hydrometeorology Division, ang mga dam na nagbukas ng gate ay ang Angat, Ipo, Magat, Ambuklao, at Binga. Ang hakbang ay isinagawa upang mapanatili ang ligtas na antas ng tubig sa reservoir bago pa man dumating ang inaasahang malalakas na pag-ulan mula sa bagyo.
Sa Bulacan, tatlong gate ng Angat Dam ang bukas at naglalabas ng 449 cubic meters per second (cms), habang ang Ipo Dam ay may tatlong gate rin na bukas sa taas na 2.5 metro, na may discharge na 354.10 cms. Ang Magat Dam sa Isabela ay nagbukas ng dalawang gate sa taas na 4 metro, na may discharge na 1,058.39 cms.
Sa Benguet, isang gate ang bukas sa Ambuklao Dam na may discharge na 55.15 cms, habang ang Binga Dam ay naglalabas ng 47.45 cms mula sa isang gate na bukas sa taas na 0.30 metro.
Ayon sa PAGASA, ang mga komunidad sa paligid ng mga ilog na konektado sa mga dam ay pinayuhang maging alerto sa posibleng pagtaas ng tubig at flash floods. “Residents and the local disaster risk reduction and management councils concerned are advised to be alert for possible flash floods,” ayon sa advisory.
Kabilang sa mga posibleng maapektuhan ang mga bayan sa Isabela gaya ng Ramon, San Mateo, Aurora, Cabatuan, Luna, Reina Mercedes, Burgos, Naguilian, at Gamu; sa Ifugao, ang Alfonso Lista; at sa Benguet, ang Barangay Ambuclao sa Bokod, at Dalupirip at Tinongdan sa Itogon.
Ang Bagyong Uwan ay inaasahang magdadala ng malalakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon simula Linggo ng gabi, Nobyembre 9, hanggang Lunes ng gabi, Nobyembre 10. Inaasahan din ang posibleng pag-landfall nito sa pagitan ng southern Isabela at northern Aurora.
Patuloy ang monitoring ng PAGASA sa galaw ng bagyo at sa lebel ng tubig sa mga dam, habang nakahanda ang mga lokal na pamahalaan sa posibleng epekto ng masamang panahon.
Larawan mula opfais
