Catanduanes at Samar nasa Signal No. 2 habang bumubwelo si ‘Uwan’
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-08 08:54:23
MANILA — Patuloy ang paglakas ng Bagyong Uwan (international name: Fung-Wong) habang ito ay kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa silangang bahagi ng bansa. Ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), itinaas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Catanduanes at ilang bahagi ng Samar Island ngayong Sabado, Nobyembre 8.
Sa 5:00 a.m. bulletin ng PAGASA, ang sentro ng bagyo ay namataan sa layong 985 kilometro silangan ng Eastern Visayas, taglay ang maximum sustained winds na 130 km/h malapit sa gitna at bugso ng hangin na umaabot sa 160 km/h. Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 km/h.
Ang mga lugar sa ilalim ng Signal No. 2 ay kinabibilangan ng:
- Catanduanes
- Eastern at central portions ng Northern Samar: Lope de Vega, Palapag, Las Navas, Mapanas, Laoang, Catubig, Mondragon, Lapinig, Pambujan, Catarman, San Roque, Silvino Lobos, Gamay
- Northeastern portion ng Samar: Matuguinao, San Jose de Buan
- Northern portion ng Eastern Samar: Maslog, San Policarpo, Dolores, Jipapad, Oras, Arteche.
Ayon sa PAGASA, “Typhoon Uwan is expected to reach super typhoon category on Saturday night or Sunday morning.” Inaasahan din na magla-landfall ito sa pagitan ng southern portion ng Isabela at northern portion ng Aurora sa gabi ng Linggo o madaling araw ng Lunes.
Nagbabala ang mga opisyal sa posibleng storm surge na maaaring lumampas sa 3.0 metro, lalo na sa mga baybaying lugar ng Luzon at Visayas. Ayon sa ulat ng International Business Times, “Typhoon Uwan is set to rapidly intensify and may reach Super Typhoon status, bringing a ‘life-threatening’ 3.0 meters storm surge risk to Luzon and Visayas”.
Pinayuhan ng PAGASA ang mga residente sa mga apektadong lugar na maghanda sa posibleng pagbaha, landslide, at malalakas na hangin, lalo na sa mga bulubunduking komunidad. Inaasahan ding maglabas ng Heavy Rainfall Warnings at Thunderstorm Advisories ang mga regional services division sa mga susunod na oras.
Patuloy ang monitoring ng PAGASA sa galaw ng bagyo, at inaasahang maglalabas pa ng mga update habang papalapit si Uwan sa kalupaan ng bansa.
Larawan mula DOST-PAGASA
