DSWD: 8.4M Pinoy posibleng maapektuhan pagbulusok ng super typhoon ‘Uwan’
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-08 08:54:32
MANILA — Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na posibleng maapektuhan ang mahigit 8.4 milyong katao sa Luzon at Visayas sa sandaling tumama sa bansa ang Bagyong Uwan, na inaasahang magiging isang super typhoon sa mga susunod na araw.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Leo Quintilla, “Based on our analysis, the total potentially affected population would be 8.4 million based on the [Philippine Statistics Authority] 2020.” Ibinahagi niya ito sa isang press briefing noong Biyernes, Nobyembre 7, habang patuloy ang paghahanda ng ahensya sa posibleng epekto ng bagyo.
Ang mga rehiyong may pinakamalaking bilang ng posibleng maapektuhan ay:
- Ilocos Region – 3.5 milyon
- Cagayan Valley – 2.03 milyon
- Cordillera Administrative Region (CAR) – 1.4 milyon
- Central Luzon – 1.3 milyon, kabilang ang mga lalawigan ng Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, at Aurora
Bukod pa rito, binanggit ni Quintilla na marami pang residente sa Quezon Province (Calabarzon), Occidental Mindoro (MIMAROPA), at Catanduanes (Bicol Region) ang posibleng maapektuhan ng malalakas na ulan, hangin, at storm surge.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), ang bagyong Uwan ay may diameter na 1,400 kilometro, na maaaring makaapekto mula Batanes hanggang Bohol. “This severe weather will have a widespread impact,” ayon kay OCD Assistant Secretary Rafael Alejandro IV.
Bilang paghahanda, iniulat ng DSWD na mayroong 2.04 milyong family food boxes na naka-preposition sa iba’t ibang rehiyon. Kasama sa mga ito ang mga pagkain, kumot, hygiene kits, at iba pang non-food items para sa mga pamilyang maaapektuhan.
Patuloy ang koordinasyon ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang mabilis na pagresponde sa mga lugar na tatamaan ng bagyo. Pinayuhan din ang publiko na makinig sa mga abiso ng PAGASA at lokal na disaster offices, at maghanda ng emergency kits at plano ng paglikas kung kinakailangan.
Larawan mula DOST-PAGASA
