ICC warrant vs. Bato dela Rosa inihayag ni Remulla; DOJ nagmamadaling mag-verify
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-08 12:49:15
MANILA — Kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na naglabas na ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, kaugnay ng kanyang papel sa giyera kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam sa dzRH nitong Sabado, sinabi ni Remulla: “The ICC has issued a warrant against Senator Bato dela Rosa, a warrant of arrest.” Dagdag pa niya, “I have it on good authority; someone spoke to me earlier.”
Gayunpaman, nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na beripikado pa lamang nila ang impormasyon. Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, “As of this hour, we are currently working to verify this information. We have also not yet seen or received a copy of said arrest warrant.”
Si Dela Rosa ay dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at pangunahing tagapagpatupad ng kontrobersyal na kampanya laban sa ilegal na droga mula 2016. Siya rin ang kauna-unahang opisyal ng gobyerno na pinangalanan sa mga kasong isinampa sa ICC kaugnay ng umano’y crimes against humanity.
Ang warrant laban kay Dela Rosa ay kasunod ng naunang arrest warrant laban kay dating Pangulong Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa ICC detention center sa The Hague, Netherlands, ayon sa ulat ng News5.
Wala pang opisyal na pahayag si Senator Dela Rosa ukol sa isyu, ngunit inaasahang haharap siya sa media sa mga susunod na araw upang tugunan ang mga alegasyon.
Ang hakbang na ito ng ICC ay bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa umano’y libu-libong kaso ng extrajudicial killings sa ilalim ng kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.
