NBI timbog ang BI officer na nagpadaan umano sa passenger gamit ang fake OEC
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-08 08:54:37
MANILA — Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang immigration officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos umanong payagang makalipad palabas ng bansa ang isang pasahero na may dalang pekeng overseas employment certificate (OEC).
Ayon sa ulat, inaresto ang opisyal matapos ang isinagawang follow-up operation ng NBI, kasunod ng pagkakahuli sa pasaherong nagtangkang bumiyahe patungong Hong Kong gamit ang pekeng dokumento.
Ang pasahero, isang lalaki sa edad 30s, ay naharang noong Agosto 15 sa NAIA Terminal 3 habang papasakay sa isang Cebu Pacific flight. Ayon sa Bureau of Immigration (BI), “He presented an OEC showing employment as an administrative officer in Hong Kong,” ngunit kalauna’y natuklasang peke ito at orihinal na inisyu sa ibang tao.
Sa imbestigasyon ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), lumabas na ang immigration officer ay hindi sumunod sa tamang verification procedures at pinayagang makalusot ang pasahero sa kabila ng kahina-hinalang dokumento. Hindi pa pinapangalanan ang opisyal habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, “We will not tolerate any form of corruption or negligence within our ranks. This incident is a serious breach of protocol and public trust.”
Ang insidente ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng gobyerno laban sa human trafficking at illegal recruitment. Pinayuhan ng BI ang publiko na tiyaking lehitimo ang kanilang mga dokumento bago bumiyahe upang maiwasan ang pagkaantala o pagkakakulong.
