Diskurso PH
Translate the website into your language:

Uwan lumalakas pa; Catanduanes, Samar provinces isinailalim sa Signal No. 3

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-08 19:08:28 Uwan lumalakas pa; Catanduanes, Samar provinces isinailalim sa Signal No. 3

MANILA — Patuloy ang paglakas ng Bagyong Uwan (international name: Fung-Wong) habang ito ay kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa silangang bahagi ng bansa. Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), limang lugar sa Luzon at Visayas ang isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 3 ngayong Sabado ng hapon, Nobyembre 8.

Sa 5:00 p.m. bulletin ng PAGASA, ang sentro ng bagyo ay namataan sa layong 575 kilometro silangan ng Catarman, Northern Samar o 620 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes. Taglay nito ang maximum sustained winds na 150 km/h at bugso ng hangin na umaabot sa 185 km/h, habang kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 30 km/h.

Mga lugar sa ilalim ng Signal No. 3:

  • Catanduanes
  • Northern Samar
  • Eastern Samar
  • Samar
  • Biliran

Ang mga lugar na ito ay inaasahang makakaranas ng storm-force winds na 89 km/h hanggang 117 km/h sa loob ng 18 oras. Ayon sa PAGASA, “The wind signals warn the public of the general wind threat over an area due to the tropical cyclone. Local winds may be slightly stronger/enhanced in coastal and upland/mountainous areas exposed to winds.”

Bukod sa Signal No. 3, maraming lugar sa Luzon at Visayas ang nasa ilalim ng Signal No. 2 at Signal No. 1, kabilang ang mga lalawigan sa Bicol Region, Eastern Visayas, at ilang bahagi ng Central Luzon.

Inaasahang magla-landfall si Uwan sa pagitan ng southern Isabela at northern Aurora sa gabi ng Linggo o madaling araw ng Lunes. Posibleng umabot ito sa Super Typhoon category sa loob ng 24 oras, ayon sa PAGASA.

Pinayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na maghanda sa posibleng pagbaha, landslide, at storm surge, lalo na sa mga baybaying komunidad. Patuloy ang monitoring ng PAGASA at inaasahang maglalabas ng updated warnings sa mga susunod na oras.