Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bato, hinamon ng mga pamilya ng drug war victims: panindigan ang pinangakong haharap sa ICC

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-09 19:11:39 Bato, hinamon ng mga pamilya ng drug war victims: panindigan ang pinangakong haharap sa ICC

NOBYEMBRE 9, 2025 — Nanawagan ang mga pamilya ng mga biktima ng giyera kontra droga na tuparin ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang sarili niyang pahayag na handa siyang harapin ang International Criminal Court (ICC) sakaling may ilabas na arrest warrant laban sa kanya.

Ayon kay Kristina Conti, abogado ng ilang pamilya at Assistant to Counsel sa ICC, malinaw ang naging pahayag ni Dela Rosa noong Setyembre na hindi siya lalaban o magtatago kung sakaling ipalabas na ang warrant.

“Fortunately, kung pagbabatayan natin ang statement ni Bato mismo, eh siya mismo hindi raw siya manlalaban, hindi raw siya magre-resist ng arrest at kumbaga he will submit himself voluntarily kung dumating na ang warrant. Susundan niya lang, sabi niya, ‘yung proseso,” pahayag ni Conti sa DZMM Teleradyo.

Bagamat wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa ICC, lumalakas ang mga usap-usapan na may inilabas na itong warrant laban kay Dela Rosa, na siyang unang hepe ng Philippine National Police sa ilalim ng administrasyong Duterte. Ayon kay Conti, posibleng hindi pa inilalantad sa publiko ang dokumento, gaya ng nangyari sa dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Pinagchichismisan pero hindi nakumpirma until hinuhuli na siya,” aniya.

Sa kabila nito, iginiit ni Conti na hindi maaaring gamitin ni Dela Rosa ang Senado bilang permanenteng kanlungan upang umiwas sa pananagutan. Bagamat may posibilidad na pansamantalang hindi siya maaresto habang may sesyon, hindi ito pangmatagalang proteksyon.

“Possible, pero hindi dapat protektahan ng Senado ang mga mamamatay-tao o kaya maski mga korap. So hindi basta-basta ‘yung proteksyon na ibibigay ng Senado,” ani Conti.

Dagdag pa niya, kailangang harapin ni Dela Rosa ang proseso sa ICC, kabilang na ang paghahain ng motion to dismiss kung kinakailangan.

Samantala, sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi nila papayagang arestuhin ang sinumang senador sa loob ng Senado bilang respeto sa institusyon. Ngunit sa labas ng gusali, aniya, wala na silang kapangyarihan.

“Outside the Senate premises, that’s no longer our concern,” ani Sotto.

(Sa labas ng Senado, hindi na namin saklaw ‘yan.)

Dagdag naman ni Conti, “Siguro caution lang doon sa mga manghuhuli na, edi hintayin na lang matapos ‘yung session. O kaya sa labas ng Senado hulihin.”

(Larawan: Ronald Bato Dela Rosa | Facebook)